MANILA, Philippines – Kinumpirma ng PNP General Hospital (PNPGH) na si Senador Rodante Marcoleta ay may mild pneumonia, high blood pressure, at degenerative disc disease, ayon sa resulta ng kanyang pagsusuri.
Ayon kay Lt. Col. Benaly Bayani, hepe ng Internal Medicine Department ng PNPGH, nakita sa chest X-ray na may mild pneumonia ang senador. Aniya, hindi ito malubha at posibleng mayroon na siya nito bago pa maaresto.
Mayroon ding degenerative disc disease, isang karaniwang kondisyon na dulot ng pagnipis o pagkasira ng mga disk sa gulugod habang tumatanda, kaya kailangan niyang sumailalim sa rehabilitation at therapy.
Naitala rin ang kanyang blood pressure na 160/90, na ayon sa mga doktor ay mataas para sa kanyang edad.
Hindi pa tiyak kung kailan siya madi-discharge at ihaharap sa Sandiganbayan o ililipat sa detention facility na itinakda ng korte.
Samantala, itinanggi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez na binibigyan ng espesyal na pagtrato si Marcoleta. Aniya, nananatili itong nasa kustodiya ng pulisya habang nasa ospital.
Sa kabilang banda, sinabi ng Sandiganbayan Third Division na naghihintay pa ito ng opisyal na update mula sa CIDG tungkol sa kalagayan ni Marcoleta at kung kailan siya maihaharap sa korte. RNT/MDS