BULACAN, Philippines – Isang napakahabang buhawi mula sa kaulapan ang tumama sa bahagi ng bukid sa bayan ng San Miguel nitong hapon ng Hulyo 7.
Ayon sa impormasyon at mga Facebook post na nag-viral tungkol dito, tanaw na tanaw kung paano tumama ang buhawi sa bukid sakop ng Brgy. Bagong Pag-asa.
Dahil dito, ilang puno ang bumuwal at ikinatuklap ng bubong sa gawing kusina ng isang bahay sa nasabing lugar.
Sa lakas ng buhawi ay ilang segundo lamang umano ay nakaya nitong tuklapin ang nasabing bubong na tumilapon sa kabukiran.
Nabatid na ilang kalapit na lugar ang nakaramdam din ng epekto ng buhawi bago ito nalusaw, ayon na rin sa impormasyon.
Sinasabing walang napaulat na nasaktan o nasawi sa naturang pagbulusok ng buhawi sa lugar. (Dick Mirasol III)