MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon ng Senado bilang paggalang sa constitutional principle ng separation of powers, kasunod ng pahayag ng mga pangungusap na nagmumungkahi mula sa isang senador na suportado ng Pangulo ang kasalukuyang majority bloc ng Senado.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa naging pahayag ni Senator Pia Cayetano na kung igigiit ng ilang senador na kailangang nasa sesyon ang Senado upang maamiyendahan ang impeachment rules, dapat na magpatawag ang Malakanyang ng special session.
“Magpatawag tayo ng special session. Mukha namang very supportive ang Malakanyang sa majority,” ayon kay Cayetano.
“Nagsalita po ang Pangulo… sinabi naman niya na kung anuman ang isinasagawa o nagiging desisyon sa Senado, ito naman ay kaniyang susuportahan at ang desisyon naman ang nagwawagi lagi ay kung anong sinasabi ng majority,” ang sinabi naman ni Castro.
“So, susuportahan po ng Pangulo, unang-una, because of the separation of powers. Susuportahan po ang ginagawa ng Senado as long as those activities are within the bounds of law,” aniya pa rin.
Sa second day ng impeachment trial ni VP Sara, sinabi ni Cayetano na “Ito importante ito, ‘di ba? Eh di kung ipipilit ninyo na ‘yang impeachment amendment na ‘yan kailangan gawin in special session, eh di magpatawag tayo ng special session. Mukhang very supportive naman ang Malacañang sa majority.”
Sa ilalim ng Konstitusyon, tanging ang Pangulo lamang ang maaaring magpatawag ng special session sa panahon ng sine die adjournment nito.
Gayunman, binigyang diin ni Castro na ang suporta ng Pangulo sa desisyon ng Senado ay hindi aabot sa aksyon na lalabag sa batas.
Binigyang halimbawa rin nito ang hypothetical “lock-and-load” order o anumang pagkilos para tulungan si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa para maiwasan ang pag-aresto kapag ang arrest warrant mula sa International Criminal Court ay ipinatupad.
“Mga gawain marahil ng mayorya pero hindi po iyan sasang-ayunan ng Pangulo,” ang tinuran ni Castro.
Inalala rin ni Castro ang kahalintulad na insidente na nangyari sa ilalim ng Senate majority lsa pamumuno ni dating Senate President Alan Peter Cayetano.
Nauna rito,nagpahayag naman ng pag-aalala si Castro sa kalusugan ni Pia Cayetano.
“Unang-una, gusto po nating kumustahin si Senator Pia Cayetano. Kumusta na po ba, Senator Pia Cayetano? Dahil sa tuwing nagsasalita siya, very recently ay lagi siyang parang hinihingal,” ang sinabi ni Castro. (KRIS JOSE)