MANILA, Philippines – SA LOOB lamang ng apat na taon, inaasahang aabot sa P501.431 bilyon ang kabuuang makokolektang dibidendo ng administrasyong Marcos mula sa mga government-owned or -controlled corporations (GOCCs) pagsapit ng katapusan ng 2026 na 31.15 porsiyentong mas mataas kaysa sa P382.3 bilyong nakolekta ng nakaraang administrasyon, ayon sa ulat ng Department of Finance (DOF), araw ng Miyerkules.
Ayon sa DOF, inaasahang aabot sa P501.431 bilyon ang kabuuang makokolektang dibidendo mula sa mga GOCC sa ilalim ng administrasyong Marcos, kabilang ang mga aktuwal at inaasahang remittance para sa 2026. Katumbas ito ng taunang average na koleksyon na P125.358 bilyon.
Para sa 2026, umabot sa P147.15 bilyon ang kabuuang dibidendo mula sa 50 GOCCs, kung saan P140 bilyon na ang aktuwal na nakolekta hanggang Hulyo 8, 2026. Ang natitirang halaga ay inaasahang makokolekta bago matapos ang Disyembre ng taong ito.
Batay sa tala ng DOF sa paghahambing ng dividend collection ng bawat administrasyon, ang P382.3 bilyong kabuuang dibidendo na nakolekta sa ilalim ng administrasyong Duterte ay may taunang average na P63.7 bilyon.
Sa ilalim naman ng administrasyong Aquino, umabot sa P164.8 bilyon ang kabuuang nakolektang dibidendo, na may taunang average na P27.4 bilyon.
Samantala, sa administrasyong Arroyo, umabot sa P84.1 bilyon ang kabuuang koleksyon, na may taunang average na P9.3 bilyon.
Alinsunod sa Republic Act No. 7656 o Dividend Law, lahat ng GOCCs, maliban sa ilang exempted, ay inaatasang magdeklara at mag-remit ng hindi bababa sa 50 porsiyento ng kanilang taunang net earnings bilang dibidendo para sa kabang Bayan.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdiriwang ng GOCCs Day sa Malakanyang, isang taunang pagtitipon na nagbibigay-pugay sa mahalagang kontribusyon ng mga GOCC sa pamamagitan ng kanilang dividend remittances at suporta sa pambansang kaunlaran. (KRIS JOSE)