Home METRO NCAP violations, maaari nang i-check at bayaran sa eGovPH Super App

NCAP violations, maaari nang i-check at bayaran sa eGovPH Super App

2
0

MAYNILA – Mas pinadali na ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-check at pagbabayad ng mga paglabag sa ilalim ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) matapos ilunsad ang MMDA-NCAP Online Violation and Payment System sa eGovPH Super App.

Pinangunahan nina MMDA Chairperson Atty. Don Artes at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda ang paglulunsad ng bagong serbisyo, kasama sina DICT Undersecretary for eGovernment David L. Almirol Jr., Assistant Secretary Maria Victoria Castro, at mga kinatawan ng transport network vehicle services (TNVS).

Ayon kay Artes, bahagi ang integrasyong ito ng pagsusulong ng digitalization program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mailapit sa publiko ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa iisang digital platform.

Sinabi rin ni Artes na patuloy na dumarami ang gumagamit ng online services ng MMDA, kung saan umabot na sa mahigit 15 milyong pagbisita ang MayHuliKa website, higit 11 milyong traffic violations ang na-check, at nasa 2.7 milyong indibidwal na ang nakagamit ng sistema.

Binigyang-diin naman ni Aguda na layunin ng eGovPH Super App na gawing mas mabilis, mas ligtas at mas abot-kamay ang mga serbisyo ng pamahalaan para sa lahat ng Pilipino.

Samantala, ibinahagi ni Almirol na umabot na sa 60 milyong downloads, 55 milyong verified users at 955 milyong transaksyon ang naitala ng eGovPH Super App, patunay ng patuloy na pagtangkilik ng publiko sa digital government services.

Ayon pa sa mga opisyal, anim na buwang binuo ng mga technical team ng MMDA at DICT ang integrasyon ng sistema upang matiyak ang maayos at ligtas na serbisyo.

Tiniyak din nila na protektado ang lahat ng transaksyon sa pamamagitan ng 24/7 cybersecurity monitoring at encrypted data transmission upang mapangalagaan ang personal na impormasyon ng mga gumagamit.

Sa pamamagitan ng bagong serbisyo, maaari nang suriin ng mga motorista ang kanilang NCAP apprehension records, tingnan ang detalye ng paglabag, i-monitor ang status ng pagbabayad, at ma-access ang iba pang kaugnay na serbisyo anumang oras at saanman gamit ang eGovPH Super App. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here