MANILA, Philippines – Walang kabalintunaan o isyu sa pangyayari na nakaupo si Senate President Sherwin Gatchalian katabi ni Impeachment Court Presiding Officer Senator-judge Francis “Chiz” Escudero, ayon sa tagapagsalita ng korte sa panayam nitong Miyerkules.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Atty. Regie Tongol, itinalagang spokesperson ng impeachment court na nauna nitong nilinaw ang isyu na magkatabi sina Gatchalian at Escudero sa rostrum ng impeachment court.
“I refer to my previous statement nung Lunes. Nasagot ko na rin po yan. Baka maging ano ulit, mabuhay ulit yung mga issue. Pero wala naman issue dapat yan. Kasi it is a symbolic gesture,” ayon kay Tongol.
Nilinaw din ni Tongol na “equal” ang kapangyarihan nina Gatchalian at Escudero na magkatabing naka-upo sa rustrom dahil magkaiba ang ginagampanan nilang papel sa Senado bilang Sangay ng Lehislatura at Senado bilang impeachment court alinsunod sa itinakda ng Saligang Batas.
“They are equals just doing different hats, wearing different hats. Yung isa ay legislative head at yung isa impeachment court head,” ayon kay Tongol.
“So walang kakaiba doon. Nakita namin yan. This is not a new optics,” giit pa ng tagapagsalita.
Aniya, dati nang ginawa ang ganoong senaryo sa impeachment trial tulad nang naganap sa paglilitis kay dating Pangulong Joseph Estrada na kinasuhan ng pandarambong sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng isyu ng “Jose Velarde account.”
“This is what already an old optics from the time of the impeachment case of the President Estrad na nakaupo yung head ng impeachment court na si Chief Justice Davide sa tabi ng head naman ng legislative function ng Senate which is the (yumaong) Senate President Aquilino Pimentel Sr,” paliwanag ni Tongol.
“So in that aspect, this is an old optics. Siguro hindi lang nila malaman yung reference na yun dahil baka mga bata pa yung mga viewers natin (na nagtanong sa social media”, paliwanag pa ni Tongol.
Tuwing magbubukas ng sesyon ng impeachment court, si Gatchalian ang unang nagsasalita bilang presidente ng Senado saka babanggitin ang pangalan ni Escudero na siyang mangunguna sa paglilitis bilang presiding officer. Ernie Reyes