PAMPANGA – Idineklarang ligtas sa anumang pampasabog ang walong paaralan sa San Fernando, Pampanga matapos kumalat online ang ulat ng umano’y bomb threats.
Ayon sa San Fernando police, kabilang sa mga apektadong paaralan ang Potrero National High School at pitong elementary schools: Duat, San Antonio, Balas, Sta. Barbara, Bacolor, Potrero, at Parulog Elementary Schools. Matatagpuan ang mga ito sa iisang compound.
Sinabi ng mga awtoridad na nagsimula ang insidente matapos maiulat ang isang Facebook post na naglalaman ng bomb threat laban sa mga paaralan. Ipinasa ang impormasyon sa San Fernando police hotline, dahilan upang agad na magtungo ang mga pulis sa lugar para beripikahin ang ulat.
Ayon sa pulisya, ilang araw na ring nakatatanggap ng kahalintulad na bomb threat reports ang Potrero National High School bago pa ang mga ulat ng banta laban sa mga elementary schools.
Ininspeksiyon ng Pampanga Provincial Explosive and Canine Unit ang mga apektadong paaralan. Matapos ang security assessment, idineklarang ligtas sa anumang pampasabog ang lahat ng walong paaralan at tiniyak ang seguridad sa lugar.
Kinumpirma naman ng Philippine National Police na nagpatuloy ang klase nitong hapon matapos ideklarang ligtas ang mga paaralan.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso at isinangguni na ito sa Regional Anti-Cybercrime Unit upang matukoy ang pinagmulan ng digital threats. Mary Anne Sapico