MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Philippine Army ang insidente kung saan nahuli ang isang 16-anyos na estudyante na may dalang Army-issued Glock 17 9mm pistol habang papasok sana sa isang pampublikong paaralan sa Tupi, South Cotabato noong Hulyo 7.
Sinabi ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala nitong Huwebes na “thoroughly look into this incident and will not tolerate any negligence on the part of its personnel in the handling and accountability of issued firearms.”
Ayon kay Dema-ala, seryoso ang Army sa naturang insidente at magsasagawa ito ng internal comprehensive investigation alinsunod sa umiiral na mga polisiya kaugnay ng individual responsibility sa mga issued weapons.
“Appropriate actions will be taken against those found accountable,” ani Dema-ala.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na nakatulong ang maagap na ulat mula sa isang concerned citizen upang maiwasan ang posibleng mapanganib na sitwasyon. Na-intercept ng mga pulis ang menor de edad sa kahabaan ng national highway sa Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato.
Narekober din mula sa estudyante ang dalawang magazine na may lamang 32 rounds ng bala.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang baril ay naka-issue sa nakatatandang kapatid ng estudyante, isang aktibong miyembro ng Philippine Army na nakatalaga sa 6th Infantry Battalion, 6th Infantry Division.
Ayon sa mga awtoridad, kinuha ng menor de edad ang baril nang hindi alam ng kaniyang kapatid at dinala umano ito para sa self-defense. Mary Anne Sapico