MANILA, Philippines — Nagsagawa ng operasyon ang Philippine National Police (PNP) sa isang poultry farm sa Barangay Pugol, Lamut, Ifugao nitong Linggo, Nobyembre 1, sa paghahanap kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Gayunman, hindi natagpuan si Bantag sa lugar.
Ayon sa PNP, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon na nagtatago umano si Bantag sa poultry farm at nagpapanggap bilang isang poultry worker.
“However, he was not found at the location,” ayon sa pahayag ng PNP.
Patuloy na pinaghahanap si Bantag kaugnay ng kanyang umano’y pagkakasangkot sa pagpatay noong 2022 kay broadcaster Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Binigyang-diin ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ipagpapatuloy ng pulisya ang pagtugis kay Bantag at ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ani Nartatez, sisiyasatin ng mga awtoridad ang bawat impormasyong maaaring makatulong upang matunton ang dating BuCor chief.
Iginiit din niyang hindi itinuturing ng PNP na kabiguan ang hindi pagkakadakip kay Bantag sa pinakahuling operasyon.
Noong Abril 2023, naglabas ang Muntinlupa Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kay Bantag kaugnay ng pagkamatay ni Jun Villamor, na tinukoy bilang umano’y middleman sa pagpatay kay Lapid.
Itinanggi ni Bantag ang mga alegasyon laban sa kanya.
Nauna namang mag-alok ang Department of Justice ng P2 milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.
Hinimok ng PNP ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ni Bantag. Mary Anne Sapico