Home HOME BANNER STORY US sa Iran: Hormuz ideklarang bukas, tigilan mga pag-atake sa mga barko

US sa Iran: Hormuz ideklarang bukas, tigilan mga pag-atake sa mga barko

3
0

UNITED STATES – Iginiit ng Estados Unidos sa Iran na maglabas ng pampublikong pahayag na bukas ang Strait of Hormuz at titigil na ang mga pag-atake sa mga barkong dumaraan sa mahalagang rutang pandagat, ayon sa matataas na opisyal ng US.

Sinabi ng mga opisyal na nahihirapan ang Washington na makabuo at mapanatili ang kasunduan sa Tehran dahil sa umano’y hidwaan sa loob ng pamunuan ng Iran.

Ayon sa kanila, ang muling pagsiklab ng mga pag-atake nitong linggo ay bunsod ng isang paksyon ng mga hardliner sa Iran na umano’y nagtangkang sirain ang umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng dalawang bansa.

Muling iginiit ni US President Donald Trump sa social media na “tapos na” ang interim ceasefire, ngunit sinabi rin niyang magpapatuloy ang negosasyon upang tuluyang wakasan ang digmaan.

Aniya, may limitadong panahon lamang ang mga negosyador ng US upang makipagkasundo sa Iran, ngunit handa rin ang Amerika sa iba pang hakbang kung mabibigo ang usapan.

Isa sa mga pangunahing hinihingi ng US ang opisyal na deklarasyon ng Iran na ligtas at bukas ang Strait of Hormuz para sa malayang paglalayag ng mga barko.

Gayunman, iginiit ng kinatawan ng Iran sa United Nations na ang anumang operasyon o pagbubukas ng Strait of Hormuz ay eksklusibong nasa kapangyarihan ng Iran.

Ayon kay Iranian Ambassador Amir Saeid Iravani, ang pakikialam ng ibang bansa sa pamamahala ng naturang daanan ay paglabag sa umiiral na kasunduan at maaaring magpalala ng tensyon sa rehiyon.

Nauna nang sinabi ng Iran na nais nitong magkaroon ng ganap na kontrol sa Strait of Hormuz at maningil ng bayarin sa mga barkong daraan dito, kahit matagal na itong kinikilala ng pandaigdigang komunidad bilang internasyonal na daluyang pandagat.

Sinabi rin ng mga opisyal ng US na anumang kasunduan sa nuclear program ng Iran ay dapat may kasamang pagsuko ng Tehran sa stockpile nito ng highly enriched uranium.

Binigyang-diin nila na hindi magkakaroon ng nuclear agreement hangga’t hindi sumusunod ang Iran sa mga kondisyon ng tigil-putukan at itinitigil ang mga pag-atake sa mga barko sa Strait of Hormuz.

Samantala, wala pang umaako sa serye ng airstrike na tumama sa Iran matapos ihayag ng US na natapos na ang operasyon nito, habang nananatiling mataas ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Patuloy namang isinusulong ng Oman, Qatar at Pakistan ang diplomasya upang maibalik ang katahimikan sa rehiyon, habang muling nagbabala ang Israel na handa itong magsagawa ng mas malalakas na operasyon laban sa Iran kung kinakailangan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here