Home NATIONWIDE TNVS rider dinakma sa pagbebenta ng kable ng kuryente sa Cavite

TNVS rider dinakma sa pagbebenta ng kable ng kuryente sa Cavite

25
0

MANILA, Philippines – Isang 28-anyos na lalaki at rider ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) ang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) makaraan umanong maaktuhang nagbebenta ng kable ng kuryente na pag-aari ng MERALCO sa Brgy. Langkaan 1, Dasmariñas City.

Kinilala ang suspek na si alyas “Ador,” residente ng Brgy. Tunasan, Muntinlupa City.

Base sa nakalap na report, bandang 1:12 ng hapon nang nagsagawa ng operation ang law enforcement operation ng CIDG Regional Field Unit 4A – Regional Special Operations Team (RSOT), katuwang ang CIDG Cavite Provincial Field Unit at mga kinatawan ng MERALCO.

Dito Nahuli sa akto ang suspek na nagbebenta ng mga kawad ng kuryente ng Meralco na humigit kumulang sa 61 metro na nagkakahalaga ₱5,108.54 at pinaniniwalaang ninakaw.

Batay sa reklamo ng MERALCO, isinagawa ang operasyon matapos matukoy ang umano’y ilegal na pagbebenta ng mga kable ng kuryente na pag-aari ng kumpanya.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994, na nagpaparusa sa pagnanakaw ng kuryente at mga kagamitan nito.

Binigyang-diin ng CIDG na ang pagnanakaw ng mga linya at materyales ng kuryente ay nagdudulot ng malaking pinsala sa imprastraktura, pagkawala ng kita ng mga electric company, at maaari ring magbunsod ng pagtaas ng singil sa kuryente ng mga lehitimong konsyumer.

Sa bisa ng Memorandum of Understanding na nilagdaan noong Hunyo 8, 2026, mas pinaigting ang koordinasyon sa imbestigasyon, pagsasampa ng kaso, at pagpapatupad ng Republic Act No. 7832 laban sa mga sangkot sa pagnanakaw ng mga linya at materyales ng kuryente. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here