Home NATIONWIDE Mabilis na paglilitis sa impeachment, hangad din ng prosekusyon – Atty. Tolosa

Mabilis na paglilitis sa impeachment, hangad din ng prosekusyon – Atty. Tolosa

3
0

MANILA, Philippines – Handang makipagtulungan ang House prosecution team sa Senate impeachment court para mapabilis ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang sinabi ni prosecution legal spokesman lawyer Jay Tolosa matapos ang panawagan ni Senator-judge Panfilo Lacson na dapat nang paspasan ang takbo ng paglilitis.

Sa isinagawang news conference, sinabi ni Tolosa na kahit binigyan ng 11 araw ang prosecution para patunayan ang grave threats ay naiintindihan nila ang sentimyento ng ilang senator-judges na mas mabuting paikliin ang proseso.

“Kami din naman gusto din naman namin itong matapos sa lalong madaling panahon. Ayaw naman namin tong patagalin unnecessarily, but of course without sacrificing our ability to properly, efficiently and effectively present the evidence,” ani Tolosa.

Aniya, sa bawat pagtatapos ng hearing ay may ginagawang assessment ang prosecution team para malaman kung ano na ang mahahalagang bagay na naipaliwanag na ng mga testigo at kung ano pa ang kulang.

Sa ganitong sistema ay kanilang mababatid kung posibleng hindi na ipatawag ang ilang witness na nakalista sa kanilang pre-trial brief kapag natalakay na ng mga naunang testigo ang kanilang inaasahang testimonya.

“So we will make adjustments, maaring ibang witnesses na listed sa aming pre-trial brief ang hindi na namin ipatawag. Kung anong intended testimony nila ay natalakay na nang mga naunang testigo dahil iyan din naman ang goal natin kung maaaring mas mapa-igsi, mapabilis natin itong paglilitis na ito, we will try to do that,” paliwanag ni Tolosa.

Nang tanungin tungkol sa babala ni Lacson na maaabot pa ng Pasko ang paglilitis kapag hindi ito naging mabilis, muling binigyang-diin ni Tolosa ang layunin ng prosecution na makipagtulungan sa impeachment court.

“We will work for it na making sure that this could be expedited again to the extent reasonably possible. Syempre hindi din naman pinag-uusapan itong pabilisan, ang importante rin naman dito mailatag ng mabuti ang ebidensya dahil napaka-seryoso ang pinag uusapan natin na mga charges dito,” pagtatapos pa ni Tolosa. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here