Home NATIONWIDE PBBM, wala pang natatanggap na kahit na anumang request para sa pagbubukas...

PBBM, wala pang natatanggap na kahit na anumang request para sa pagbubukas ng tax record ng mag-asawang Sara Duterte, Mans Carpio — Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Wala pang natatanggap na kahit na anumang request si Pangulong Ferdinand Marcos para buksana ng selyadong green box na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio.

“Wala pa pong naibibigay na ano mang request, sulat sa Pangulo,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin kung pahihintulutan ni Pangulong Marcos ang nasabing request.

“‘Pag dumating na po ang kanilang paghiling, ito po ay aaralin at tignan po natin kung ano ang magiging aksyon ng Pangulo patungkol po diyan,” anito.

Sa ulat, sinabi ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi niya susuportahan ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte kung walang nakasulat na awtorisasyon mula sa Pangulo, alinsunod sa batas.

Ayon kay Lacson, taliwas sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa jurisprudence ng Korte Suprema ang anumang hakbang na magbubukas ng rekord nang walang pahintulot ng Pangulo.

Dagdag pa niya, kahit ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas. “Sa akin, malinaw ang aking position na without the written authority from the President, hindi dapat pabuksan. Di ako pro-defense dito. Basta sa akin ini-invoke ko dito ang batas,” diin ni Lacson.

Nakatakdang dinggin ngayong linggo ng Impeachment Court ang oral arguments kaugnay ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga bangko.

Binigyang-diin ni Lacson na dapat lamang payagan ang pagbubukas ng tax records kung natugunan ang lahat ng rekisitos ng batas, kabilang ang nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo.

Winika ni Castro na ang lahat ng lehitimong dokumento na maglaklantad ng katotohanan ay maaaring ikonsiderang mahalaga.

Samantala, nang tanungin naman si Castro kung suportado ng Malakanyang ang mabilis na impeachment trial para sa bise-presidente, inulit ni Castro na hindi makikialam si Pangulong Marcos sa proseso ng Senado.

“Nasa pamumuno na po yan ng Senado kung paano po nila ito mapapabilis,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here