Home OPINION OPISYALES MINUMURA, SINISISI SA BAHA AT LANDSLIDE

OPISYALES MINUMURA, SINISISI SA BAHA AT LANDSLIDE

3
0

KATAKOT-TAKOT na mura o paninisi ang inaabot ngayon ng pamahalaang Marcos sa mga naganap na pagbaha at landslide nitong nagdaang mga araw nang sumalakay si super bagyong Inday at habagat.

Ginawa ang mga mura at paninisi hindi lang sa lahat ng media.

Hindi lang sa Mindanao naganap ang mga nasabing bunga ng masungit na mga panahon kundi sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Sa Mindanao, may nasawing 18 at ilang missing makaraang manalasa ang landslide.

Iba pa ang mga nasirang ari-arian mula sa mga tahanan hanggang sa mga imprastrktura gaya ng mga kalsada at tulay.

Kabilang sa mga nasirang tulay ang Tapian Bridge sa Maguindanao del Norte, Nituan Bridge sa Lanao del Sur at Marawi City na nasira nang buo at Maitum bridge sa Saranggani na nasiraan ang bahagi.

Nilamon din ng baha ang mga kalsada sa bukana ng isang tulay sa Datu Hofer, Maguindanao del Sur, national highway sa Talayan, Maguindanao del Sur at Datu Sinsuat, Maguindanao del Norte at natabunan ng lupa mula sa landslide ang mga kalsada sa Calanogas, Lanao del Sur.

Sa Metro Manila, marami ring lugar ang binaha at hindi madaanan ng mga sasakyan kaya nagkaroon ng mga katakot-takot na trapik na pahirap sa mga motorista at mananakay sa mga pampasaherong sasakyan ng kung ilang oras.

KIKBAKAN SA FLOOD CONTROL PROJECTS

Kikbakan sa flood control projects ang nagtulak sa mga kritiko upang murahin at sisihin ang pamahalaan.

Malamang na mauulit ito pagdating ng dalawang low pressure area na namumuo sa Dagat Pasipiko na maaaring darating sa Pinas anomang araw mula ngayon.

Sa kikbakan, gaya ng alam na ng lahat, male-maletang salapi ang idineliber sa mga kikbakero o korap ng mga opisyal ng pamahalaan sa Palasyo, Kamara at Senado.

Umabot umano ang kikbakan sa bilyon-bilyong piso mula sa P1.3-P1.7 trilyong anomalya sa flood control projects.

Malalaking halaga ang ninenok mula sa mga ghost, substandard, putol-putol at iba pang maaanomalyang mga proyekto laban sa baha, kasama ang mga tulay, riprap, kalsada, river wall, drainage at iba pa.

HINDI MASISISI

Hindi naman pupwedeng sisihin ang mga mamamayan sa pagmumura at paninisi sa matataas na opisyal ng gobyernol dahil sila ang higit na apektado kaysa mga opisyal ng gobyerno.

Ang mga nasa Palasyo, Kamara at Senado, pwede silang manood lang habang may mga baha at landslide at kung matamaan man ang sinoman sa kanila, laging handa ang mga pwersa ng pamahalaan upang iligtas sila.

Ang mga mamamayan, naiistak sa mga trapik, nasisiraan ng oras upang kumita sa trabaho at negosyo, nasisiraan ng sasakyan at gamit o alagang mga hayop o isda o pananim.

Sila ang mga namamatay sa baha at landslide, nagugutom sa matagal na trapik, naghihirap sa mga evacuation center, nagkakasakit at namamatay rito, nakikipila nang magdamag at maghapon sa mga ayuda at marami pang iba.

Kung iisipin, wala tayong naririnig na kongresman, senador at taga-Palasyo na dumaranas ng lahat ng ito.

Kaya nga, kung magmura at manisi ang taumbayan sa mga opisyal ng pamahalaan dahil sa malungkot at nakaaawa nilang kalagayan ay gayun na lamang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here