MANILA, Philippines – Nakatakdang tumestigo ngayong Martes si Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, sa ikalimang araw ng impeachment trial.
Mauuna munang tapusin ang cross-examination kay NBI Regional Director Jeremy Lotoc, ikalawang testigo ng prosekusyon sa usapin ng umano’y pagbabanta ni Duterte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Rep. Martin Romualdez.
Kapag natapos na ang testimonya ni Lotoc, ihaharap si Lopez bilang testigo ng prosekusyon.
Mahalagang testigo si Lopez dahil kasama siya sa online press conference noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi ni Duterte ang umano’y pagbabanta laban sa Pangulo, First Lady, at Romualdez.
Noong araw ding iyon, sinabi rin ni Lopez na nanganganib ang kanyang buhay habang siya ay nakakulong sa House of Representatives matapos siyang i-contempt ng House committee na nagsisiyasat sa paggamit ng confidential funds ng tanggapan ng bise presidente. RNT/MDS