Home METRO Motor taxi rider patay sa saksak ng angkas sa Caloocan

Motor taxi rider patay sa saksak ng angkas sa Caloocan

3
0

MANILA, Philippines — Patay ang isang 46-anyos na motorcycle taxi rider matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang angkas at tangayin ang kanyang motorsiklo sa Barangay 20, Caloocan City noong Martes ng madaling araw, Hulyo 14.

Sa CCTV footage pasado alas-1:30 ng madaling araw, makikita ang pagbaba ng suspek mula sa motorsiklo sa Talangka Alley, Kaunlaran Village bago bumunot ng ice pick at saksakin sa tagiliran ang nakatalikod na rider na si Fabio Norberte Jr.

Bumagsak sa kalsada si Norberte kasama ang kanyang motorsiklo ngunit nakatakbo pa matapos ang pananaksak. Tinangka siyang tulungan ng dalawang residente na humabol sa suspek, ngunit nagbanta itong mamamaril bago tumakas sakay ng motorsiklo ng biktima.

“May umaray na po tapos may bumagsak. Pagtingin po namin nung may umaray, tumayo po ito. Pagtayo po niya, sinasaksak na po nung [angkas] po. Nung nakahiga na po ‘yung rider, pinagsasasaksak po. Walang awa, parang hindi po tao,” sabi ng isang nakasaksi.

Dinala sa ospital si Norberte ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.

Ayon sa pulisya, ang parehong suspek din ang nangholdap sa isang naglalakad na lalaki sa Barangay Longos, Malabon City dakong alas-4:30 ng umaga sa parehong araw. Hindi na ito nakatakas matapos kuyugin at mapigil ng mga residente.

Narekober mula sa 43-anyos na suspek ang motorsiklo ng biktima at ang ice pick na umano’y ginamit sa krimen.

Sinabi ni Malabon chief of police Col. Kenneth Mission na sangkot din ang suspek sa isang insidente ng carnapping sa lungsod noong Hulyo 11.

“’Yun talaga ang pinaka-modus niya. Usually sa madaling araw at gabi siya lumalakad,” ani Mission.

Humingi naman ng tawad ang nakakulong na suspek sa kanyang mga nabiktima.

“Nabigla lang po ako. Pasensya na po, sir, hindi naman sinasadya. Patawad po. Humihingi po ako ng tawad sa kanila,” pagsusumamo nito.

Gayunman, sinabi ng ina ng biktima na si Carmelina Norberte na hindi sapat ang paghingi ng tawad. Tuluyan na umanong nawalan ng magulang ang kanyang tatlong taong gulang na apo matapos mamatay ang ina nito noong isang buwan pa lamang ang bata.

“Kahit patayin man siya. Hindi na maibabalik ‘yung anak ko. Hindi ko siya mapapatawad… Marami siyang pangarap, mag-a-abroad siya para mapagamot ‘yung anak niya. Ngayon, ano pa kaya? Hindi ko alam papaano,” saad niya.

“’Yung nanay nung bata, one month pa lang ‘yung bata namatay na siya. Magbi-birthday ‘yung anak niya ng October, 4 years old siya, wala na siyang tatay. Napakaaga naman niyang naulila. Ang bata. Mayroon siyang autism,” dagdag niya.

Nahaharap ang suspek sa mga reklamong carnapping, robbery at homicide. Nagpaalala rin ang pulisya sa mga motorcycle taxi rider, lalo na sa mga bumibiyahe sa gabi, na maging mapagmatyag. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here