Home METRO 4 CICL, naibalik sa pamilya at paaralan matapos ilang buwang interbensyon sa...

4 CICL, naibalik sa pamilya at paaralan matapos ilang buwang interbensyon sa Maynila

3
0

MANILA, Philippines – NAIBALIK na sa kanilang mga pamilya at muling nakapag-aral ang apat na binatilyong Children in Conflict with the Law (CICL) matapos matagumpay na makumpleto ang intervention program ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Ayon kay MDSW Chief Jay Reyes Dela Fuente, ang apat na kabataan na pawang nasa edad 14 at 15 anyos ay nasangkot sa mga kasong riot at theft, dahilan upang isailalim sila sa ilang buwang intervention sa Manila Boystown Complex sa Marikina.

Sinabi ni Dela Fuente na matapos makumpleto ang rehabilitasyon, ligtas nang naibalik ang mga binatilyo sa pangangalaga ng kani-kanilang mga magulang. Kasabay nito, tinulungan din silang makabalik sa paaralan upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at mabigyan ng panibagong pagkakataon sa buhay.

Bukod sa pagbabalik sa eskwela, pinagkalooban din ang mga kabataan ng capital assistance upang magsilbing panimula sa kanilang kabuhayan at makatulong na maiwasan ang muling pagkakasangkot sa paglabag sa batas.

Ayon sa MDSW, ang naturang hakbang ay bahagi ng programang “Serbisyong Yorme, Lahat may Pag-asa at Pagkakataon” sa ilalim ng pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, na naglalayong bigyan ng pag-asa at pangalawang pagkakataon ang mga kabataang nagkamali upang maging responsableng miyembro ng lipunan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here