MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang nasa 2,000 sako ng hinihinalang illegal na naminang copper ores na nagkakahalaga ng P600,000 sa Tubay, Agusan del Norte.
Ayon kay Brig. Gen. Marcial Mariano Magistrado IV, Police Regional Office-Region 13 (PRO-13) director, ikinasa ang joint anti-illegal mining operation kasunod ng impormasyon mula sa concerned individuals.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa sako-sakong copper minerals na itinago sa loob ng “banlag” o makeshift storage shed sa Purok 7, Barangay Santa Ana sa Tubay.
Dito na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Tubay Municipal Police Station at 2nd Agusan del Norte Provincial Mobile Force Company sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Tubay, Municipal Environment and Natural Resources Office -Tubay, at Environment and Natural Resources Division ng Agusan del Norte.
Nakita na ang mga narekober na mineral ay nakuha, ibinyahe, at nakuha nang illegal, na isang paglabag sa Section 103 ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995.
Itinurn-over na sa CENRO-Tubay ang narekober na copper minerals para sa proper custody at confiscation proceedings.
Ang mga ito ay ieendorso sa Mines and Geosciences Bureau sa Surigao City para sa pagsusuri, evaluation at nararapat na aksyon.
Naglunsad na ng mas masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang may-ari at iba pang indibidwal na nasa likod ng mga narekober na minerals. RNT/JGC