Home METRO 3 tiklo sa P500K shabu, baril sa Calabarzon

3 tiklo sa P500K shabu, baril sa Calabarzon

2
0

MANILA, Philippines – Tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Batangas, Cavite at Laguna, kung saan nasamsam ang halos P500,000 halaga ng hinihinalang shabu at dalawang hindi lisensiyadong baril.

Ayon sa Police Regional Office 4A (Calabarzon), isinagawa ang mga operasyon noong Martes at Miyerkules.

Sa Batangas City, naaresto ang suspek na gumagamit ng alyas na “Damian” matapos umanong magbenta ng P1,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer sa Barangay Wawa dakong 8:39 ng gabi noong Martes.

Nakumpiska mula sa suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 55 gramo at may street value na P374,000.

Narekober din ang kanyang cellphone na sasailalim sa forensic examination.

Kinilala ng pulisya si Damian bilang isang high-value individual (HVI) o kabilang umano sa mga sangkot sa malakihang operasyon ng ilegal na droga.

Samantala, sa Barangay Banlic, Calamba City, Laguna, nadakip ang suspek na alyas “Adrian” sa buy-bust operation dakong 9:07 ng gabi noong Martes.

Nasamsam sa kanya ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 13 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P88,400, gayundin ang isang hindi lisensiyadong kalibre .45 na baril, magazine at dalawang bala.

Sa Noveleta, Cavite naman, inaresto ang suspek na alyas “JP” sa Barangay San Juan II dakong 1:30 ng madaling araw noong Miyerkules.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may tatlong bala at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P37,060.

Nakakulong na ang tatlong suspek at haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Haharap din sina Adrian at JP sa hiwalay na kasong illegal possession of firearms. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here