MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na ang alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi lamang ordinaryong grave threats case.
Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin ay may kinalaman na sa national security dahil ang di umano’y puntirya rito ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa katunayan, binasura ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang argumento ng depensa na ang kontrobersiyal na pahayag ni VP Sara sa kanyang November 2024 livestream ay tugon lang sa mga tanong at hindi pagbabanta.
“Kung ito ay hindi threats, ano pa ba ang maaari nating i-define sa salitang threats? So, ang ganitong klase na pagresponde ay normal at dapat na i-justify at i-tolerate?” ayon kay Castro.
Sinabi pa ni Castro na ang reklamo ay hindi dapat itrato bilang isang ordinary grave threats case dahil hindi simpleng tao ang pinag-uusapan dito.
“Hindi ito simpleng grave threats na maaaring isampa diyan sa korte. Hindi involved dito ang simpleng tao. Ang pinag-uusapan po natin dito ay Pangulo. Ito ay isyu about national security,” anito.
Pinalagan din ni Castro ang argumento ng depensa na ang naging pahayag ni VP Sara ay hindi naman nakadirekta kina Pangulong Marcos, kay Unang Ginang Lisa at dating House Speaker dahil hindi naman present ang mga ito habang isinasagawa ang livestream.
“Hindi ito lihim; lahat ng tao halos nakapanood, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo,” ang pahayag ni Castro.
Sa ilalim aniya ng batas ukol sa grave threats, “the offense is consummated once the threatened party becomes aware of the threat.”
“Ang grave threats, alam ng bawat Pilipino ay nako-consummate kapag iyong taong binanatan ay nalaman ito… Hindi ito simpleng grave threats. Ito ay mayroong kaugnayan sa national security ng ating bansa,” anito.
Bukod dito, hindi naman aniya itinanggi ng kampo ni VP Sara ang nagingn pahayag nito, suibalit binibigyang katuwiran lamang ang kanyang mga sinabi.
Winika ni Castro, pasan ngayon ng depensa ang patunayan ang pagbibigay-katwiran sa mga naging pahayag ni VP Sara kabilang na ang pahayag nito ay nag-ugat mula sa pagtrato ni dating undersecretary Zuleika Lopez ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Ang burden of evidence ay nagshi-shift sa tao na umamin na siya ay magpapapatay,” ayon kay Castro.
Idinagdag pa ni Castro na hindi naipresenta ng prosekusyon ang karagdagang ebidensiya dahil, inamin naman na ni VP na sinabi niya ang mga pahayag na ito.
“Dapat sila ang magpatunay ng justifiable reasons nila kung bakit nila ito ginawa at sinabi,” ang tinuran ni Castro. KRIS JOSE