DASMARIÑAS CITY, Cavite — Pormal nang nagsimula ngayong Hulyo 15 ang unang araw ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa gaganaping special election sa nag-iisang distrito ng Dasmariñas, Cavite.
Tatagal ang paghahain ng COC hanggang Hulyo 17, kung saan inaasahang magsusumite ng kanilang kandidatura ang mga nagnanais na maging kinatawan ng lungsod sa Kongreso.
Ang espesyal na halalan ay itinakda sa Agosto 29, 2026, kasunod ng pagpapatalsik kay dating Congressman Kiko Barzaga ng Kamara dahil sa umano’y “disruptive” at “disorderly” na asal.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, maigsi lamang ang panahon ng paghahanda kaya kinakailangan ang maayos na koordinasyon sa lahat ng sangkot sa halalan.
May kabuuang 448,883 rehistradong botante ang inaasahang boboto sa Dasmariñas, gamit ang 43 voting centers at 3,166 voting precincts.
Nilinaw din ng Comelec na dahil manual election ang isasagawa, agad na maituturing na opisyal na kandidato ang sinumang makapaghain ng kanilang COC.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pangangampanya mula Hulyo 17 hanggang Hulyo 29, at ang sinumang lalabag ay maaaring maharap sa kasong premature campaigning at iba pang election offenses.
Nagbabala rin ang Comelec laban sa vote-buying, paggamit ng pondo o kagamitan ng gobyerno sa pangangampanya (abuse of state resources), at iba pang paglabag sa batas panghalalan.
Ayon sa komisyon, mahigpit nilang babantayan ang buong proseso upang matiyak ang isang malinis, mapayapa, at patas na halalan.
Sa araw ng botohan sa Agosto 29, mula 5:00 hanggang 7:00 ng umaga boboto ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at buntis. Susundan ito ng regular na botohan mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Target ng Comelec na maiproklama ang magiging bagong kinatawan ng Dasmariñas sa umaga ng Agosto 30, isang araw matapos ang halalan. Margie Bautista