MANILA, Philippines – PORMAL na pinagtibay ng Bureau of Customs (BOC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mas pinaigting na ugnayan sa paglaban sa smuggling at pagpapatibay ng seguridad sa hangganan ng bansa sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) nitong Hulyo 15, 2026.
Nilagdaan nina BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno at AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr. ang kasunduan na magtatatag ng mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya sa intelligence sharing, operational support, capacity building, at legal cooperation kaugnay ng border security, customs enforcement, pambansang seguridad, at pangangalaga sa kita ng pamahalaan.
Sa ilalim ng MOU, mananatiling pangunahing ahensya ang BOC sa pagpapatupad ng customs laws habang magsisilbing katuwang ang AFP sa mga operasyon laban sa smuggling at iba pang banta sa seguridad.
Ayon kay Commissioner Nepomuceno, mahalagang hakbang ang kasunduan upang mas mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga sindikato ng smuggling.
Bilang bahagi ng kasunduan, bubuo rin ang dalawang ahensya ng Joint Coordination Committee (JCC) na magsisilbing pangunahing lupon sa pangangasiwa at pagpapatupad ng MOU. Inaasahan din ang paglikha ng Joint Trade-Security Validation Cells, na tututok sa pagsusuri at beripikasyon ng intelligence information kaugnay ng smuggling, diversion ng strategic goods, mga dayuhang kaugnay na entidad, at iba pang banta sa kalakalan at seguridad.
Iginiit naman ni Gen. Brawner na ang pangangalaga sa hangganan ng bansa ay pananagutan ng buong pamahalaan, at ang bagong kasunduan ay patunay ng nagkakaisang adhikain ng mga ahensya na protektahan ang pambansang seguridad, lehitimong kalakalan, at ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon sa BOC, ang kasunduan ay bahagi ng pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang paigtingin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa, sugpuin ang lahat ng uri ng smuggling, at palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa pangangalaga sa ekonomiya at pambansang seguridad. JAY Reyes