MANILA, Philippines – SUPORTADO ni Education Secretary Sonny Angara ang regulasyon o pagbabawal sa mararahas na online games kasunod ng tumitinding pangamba sa mga insidente ng karahasan sa mga eskuwelahan.
Sa pagsasalita sa sidelines ng National Safe Schools Summit and Safety Drill sa Manila Science High School, sinabi ni Angara na dapat pakinggan ng pamahalaan ang rekomendasyon ng mga eksperto kung kinakailangan nang ipagbawal ang ilang online games.
Partikular na tinukoy ni Angara ang larong GoreBox, na aniya ay naglalaman ng matitinding eksena ng karahasan at maaaring magdulot ng masamang impluwensiya sa mga kabataan.
Sinabi rin niyang dati nang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat ipagbawal ang mga larong mapapatunayang nakapipinsala.
“Well, di ako expert pero definitely yung mga damaging… sinabi na si Pangulong Marcos na if we have to ban them, we should ban them. Ang point niya, makinig tayo sa mga eksperto dahil sila yung may experience dito,” ang winika ng Kalihim.
“Yung ibang games, yung GoreBox, I think very violent talaga ’yun dahil ang point ng larong iyon is to organize gangs and to inflict harm. ’Yung mga ganoon, palagay ko dapat i-ban, or i-regulate na talaga,” dagdag na pahayag nito.
Hindi naman lingid sa kaalaman ni Angara na napapadalas na ang mga insidente ng karahasan sa mga paraalan kung saan ayon sa mga eksperto ay nauugnay ito sa ilang kaso sa nakasasamang social media exposure at iba pang negatibong online influences.
“Aminado naman tayo na dumadalas ang insidente ng violence. Sabi nga ng mga eksperto, dala rin ng exposure sa mga damaging social media sites at mga masasamang impluwensiya,” ani Angara.
Aniya, ginagamit din ng extremist groups ang online platforms para makapag-recruit ng mga miyembro, binigyang diin ang pangangailangan na protektahan ang mga kabataan mula sa nakapipinsalang digital content habang pino-promote ang ‘healthy family environments.’
Sa kabilang dako, bahala na aniya ang Kongreso sa panukalang mas ibaba ang minimum age ng criminal responsibility, binigyang diin na ang prayoridad ng Department of Education’s (DepEd) ay palakasin ang ‘school safety measures.’
“Yung sa lowering the age siguro we’ll leave that to Congress. Kami sa DepEd, we are really trying to improve our protocols,” anito.
Tinukoy nito ang nagpapatuloy na pagsisikap na paghusayin ang school security, kabilang na ang bag inspections, paggamit ng metal detectors, at active threat response drills, habang kinikilala na may ilang perpetrators ang nagagawang maiwasan ang mga hakbang.
Samantala, pinalalakas din ng departamento ang guidance at child protection services sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga guidance counselor upang matugunan ang mental health at mga isyung pang-asal ng mga mag-aaral. KRIS JOSE