Home NATIONWIDE Demolisyon nauwi sa kaguluhan; 6 katao inaresto sa pambabato

Demolisyon nauwi sa kaguluhan; 6 katao inaresto sa pambabato

1
0

MANILA, Philippines – INARESTO ng pulisya ang anim katao matapos ang nangyaring pambabato sa demolition team sa gitna ng clearing operation sa naganap na demolisyon sa Valenzuela City, Martes ng umaga.

Nangyari ang insidente alas-11:40 ng umaga sa MacArthur Highway, Brgy. Dalandanan nang rumesponde ang mga tauhan ng Valenzuela Police Staton sa clearing operation ng mga tauhan ng City Demolition Unit ng City Engineer’s Office sa mga delikadong istraktura sa lugar.

Habang isinasagawa ang clearing operation, ilang mga residente ang naghagis ng mga bato sa backhoe ng City Engineer’s Office na dahilan ng pagkakaroon ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng driver at pagkabasag ng salamin ng backhoe na nagkakahalaga ng P80,000.00.

Anim na kalalakihan na hinihinalang sangkot sa pambabato ang dinakip ng pulisya kabilang ang senior citizen na kinuha at binitbit ng mga pulis palabas ng kanilang bahay na nakuhanan sa nag-viral na video.

Iprinisinta ng pulisya sa piskalya ng Valenzuela ang mga dinakip para sa pagsasampa ng kasong Malicious Mischief at Slight Physical Injuries.

Kaugnay nito, iniutos naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang masusi at patas na imbestigasyon sa viral video ng mga pulis na nagsagawa ng pagdakip sa anim na katao, kabilang ang isang senior citizen.

Ayon sa NPD, tiniyak nila na hindi kukunsintihin ang maling gawain, pang-aabuso sa tungkulin o hakbang na taliwas sa batas at panuntunan, pati na ang hindi tamang asal ng mga pulis.

Sa oras aniya na mapatunayang nakagawa ng paglabag ang kanilang mga tauhan, paanagutin nila ang mga pulis alinsunod sa mga umiiral na batas, panuntunan, at regulasyon. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here