Home NATIONWIDE Maynila kinilala sa buong mundo sa makabagong disaster management gamit GIS

Maynila kinilala sa buong mundo sa makabagong disaster management gamit GIS

2
0

MAYNILA — Nagkamit ng prestihiyosong Special Achievement in GIS (SAG) Award ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila mula sa Esri, ang nangungunang kompanya sa Geographic Information Systems (GIS), sa ginanap na Esri User Conference 2026 sa San Diego, California.

Personal na tinanggap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang parangal kasama ang delegasyon ng lungsod. Ang Maynila ang nag-iisang awardee mula sa Pilipinas sa 197 organisasyong pinarangalan mula sa mahigit 100,000 kliyente ng Esri sa buong mundo.

Kinilala ang Maynila dahil sa mahusay na paggamit ng geospatial technology sa pagpapalakas ng disaster preparedness at emergency response ng lungsod. Sa pamamagitan ng GIS, mas napahusay ang digital mapping, spatial analysis, at real-time monitoring na ginagamit sa pagtugon sa mga pagbaha, sunog, at iba pang kalamidad sa anim na distrito ng Maynila.

Ayon sa Esri, ang SAG Award ay iginagawad lamang sa mga pamahalaan at organisasyong nagpapakita ng natatanging inobasyon at kahusayan sa paggamit ng GIS upang mapahusay ang serbisyong publiko, pagpapasya, at operasyon na may direktang pakinabang sa mamamayan.

Kabilang ang Maynila sa mga internasyonal na pinarangalan kasama ang Land Transport Authority ng Singapore, Disaster and Emergency Management Presidency ng Turkey, Humanitarian Aid Unit ng Switzerland, Habitat for Humanity International, Wajima City ng Japan, at Regional Centre for Mapping of Resources for Development ng Kenya.

Bukod sa pagtanggap ng parangal, dumalo rin si Domagoso sa invitation-only Executive Session ng Esri User Conference 2026, kung saan nagbahagi ng mga makabagong kaalaman at pinakamahusay na praktis sa paggamit ng ArcGIS ang mga GIS leaders mula sa iba’t ibang bansa.

Kasama ni Domagoso sa San Diego sina Manila City Assessment Department Officer-in-Charge Atty. Ma. Cristina Fernandez, Manila GIS Team Leader Ramon Jefferson Verano, at Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department Research and Planning Chief Christian John Evangelista. JAY REYES

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here