Home NATIONWIDE Ginang patay matapos igapos, sakalin ng kumot ng kawatan

Ginang patay matapos igapos, sakalin ng kumot ng kawatan

3
0

BATAAN- Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang 53 anyos na ginang matapos itong igapos at sakalin gamit ang isang kumot at pagnakawan nang pasukin ng mga hindi pa nakilalang mga kawatan ang kanyang bahay at tindahan sa Purok 4, Barangay Luacan, Dinalupihan, Bataan.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si aling “Ghie”, 53 anyos, negosyante na isang dating jeepney driver at residente sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nadiskubre ang labi ng biktima na nakahandusay sa tabi ng kanyang papag na nakagapos ang mga kamay at nakatali ng kumot ang leeg na may tanda ng pagpapahirap hanggang sa mapatay ang biktima ng mga hindi pa nakilalang suspek.

Nadiskubre din na nawawala ang hindi pa nabatid na halaga ng cash na kita sa tindahan at ang cellphone na may lamang e-wallet (Gcash).

Hinala ng mga awtoridad, posibleng natiktikan umano ng mga suspek ang galaw ng biktima sa kanyang tindahan.

Malaki din ang posibilidad na posibleng kilala o nakilala ng biktima ang mga suspek.

Bago ang insidente, madaling araw nitong Martes ay nagising umano ang kapitbahay ng biktima sa kahol at ingay ng mga aso sa tapat ng tindahan ng biktima, kung saan nasilip sa bintana ang nakaparadang motorsiklo na may sakay na isang lalaki na walang saplot o damit na pang-itaas.

Nagsasagawa na ng backtracking sa mga CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek.

Hustisya ang isinisigaw ng mga naghihinagpis na kaanak at kaibigan ng biktima.

Gumugulong pa ang imbestigasyon sa krimen. ROEL TARAYAO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here