MAKATI CITY, Philippines – Mahigit 80 indibidwal ang dinakip dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang mapang-abusong operasyon ng online lending app, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, gumagamit umano ang mga operator ng text-blasting device upang magpadala ng maramihang mensahe sa mga umutang.
Banta umano ng mga suspek na magpapadala sila ng mga pulis sa bahay ng mga borrower at ilalantad ang kanilang personal na impormasyon kapag hindi nakabayad ng utang.
Sinabi ng NBI na maaaring maituring na extortion ang mga banta sa paniningil ng utang, depende sa resulta ng karagdagang imbestigasyon.
Hindi na nagbigay ang ahensiya ng iba pang detalye tungkol sa umano’y modus operandi ng grupo.
Ayon kay Matibag, iniimbestigahan din ng NBI ang mga posibleng paglabag na may kaugnayan sa cybercrime at mga krimeng pinansiyal na kinasasangkutan ng lending app.
“This is a big deal because life is already quite difficult, yet we are victimizing our fellow Filipinos,” pahayag ni Matibag. RNT/MDS