Home NATIONWIDE MARINA, paiigtingin inspeksyon sa passenger vessels para sa Undas

MARINA, paiigtingin inspeksyon sa passenger vessels para sa Undas

4
0

MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang inspeksyon sa mga pampasaherong barko simula Oktubre 26 para maiwasan ang safety violations, sa harap ng inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong maglalayag para sa Undas.

Ayon sa ahensya, isasagawa ang nationwide Oplan Undas 2026 enforcement operations mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 sa pamamagitan ng mga regional office nito.

Magtatalaga ang Enforcement Service ng MARINA  ng mga tauhan sa mga estratehikong pantalan at maritime areas sa Binangonan at Talim Island sa Rizal, Batangas, Lucena at Marinduque para magbantay sa operasyon ng mga pampasaherong barko.

Sisiyasatin ng mga inspektor ang seaworthiness ng barko, mga dokumento ng barko at tripulante, manning requirements at passenger capacity. Ibeberipika rin ang availability ng life-saving equipment, operational readiness at pagsunod sa passenger welfare regulations.

Ayon sa MARINA, layon ng inspeksyon na matukoy agad ang mga kakulangan na maaaring maglagay sa panganib sa mga pasahero sa gitna ng pagdami ng biyaheng pandagat.

Maaaring payagan din ang karagdagang sailings para matugunan ang mataas na demand at maibsan ang siksikan sa mga pantalan, basta’t sumusunod sa safety requirements.

Pinaalalahanan ng MARINA ang mga shipping company at vessel operators na sumunod sa safety regulations at tiyaking maayos, kompleto sa tao at handa ang kanilang mga barko.

Pinayuhan naman ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang biyahe, i-verify ang schedule at ticket, at subaybayan ang opisyal na weather advisories para sa posibleng suspensyon o kanselasyon ng biyahe. Hinikayat din silang sumunod sa crew instructions, alamin ang emergency exits at life-saving equipment, at sundin ang tamang boarding procedures para maiwasan ang overcrowding.

Nagbabala rin ang ahensya laban sa pagbili ng ticket sa labas ng awtorisadong channels.

Makikipag-ugnayan ang MARINA sa Philippine Coast Guard (PCG), port authorities, local government units, shipping companies at iba pang maritime stakeholders.

Kaugnay nito, mananatili ring naka-heightened alert ang PCG mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 para umalalay sa mga pasaherong dadagsa sa mga pantalan para sa taunang paggunita ng Undas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here