BAGUIO CITY, Philippines – Inaresto ang isang lalaki dahil sa umano’y pagkatay ng tatlong aso sa Baguio City, ayon sa Baguio City Veterinary and Agriculture Office (CVAO).
Hindi muna isinapubliko ng CVAO ang pagkakakilanlan ng suspek, pati ang petsa at eksaktong lugar ng umano’y ilegal na pagkatay.
Mariing kinondena ng pamahalaang lungsod ang patuloy na ilegal na kalakalan ng karne ng aso at lahat ng uri ng pang-aabuso sa hayop, at iginiit na wala itong lugar sa isang makatao at masunurin sa batas na lipunan.
Ayon sa CVAO, labag sa Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998, na inamyendahan, ang pagkonsumo, pagbiyahe, pagkatay, at pagbebenta ng mga aso para gawing karne.
Binigyang-diin din ng tanggapan na ang mga ganitong gawain ay salungat sa mga pagpapahalaga ng lungsod sa pagmamalasakit, paggalang, at responsableng pangangalaga sa mga hayop. RNT/MDS