MANILA, Philippines – Binigyan ng Philippine National Police (PNP) si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ng isang linggo upang sumuko matapos magtago kasunod ng paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inilabas ang ultimatum matapos mag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong pabuya para sa ikadarakip ng senador.
“Sen. Bato dela Rosa has one week to surrender,” pahayag ni Nartatez sa press briefing sa Camp Crame.
“At pinaghahandaan natin yan,” dagdag niya.
Matagal nang hindi pumapasok sa Senado si Dela Rosa mula Nobyembre 2025 matapos maiulat ang arrest warrant ng ICC na nag-uugnay sa kanya bilang co-perpetrator sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong kampanya kontra droga.
Naging hepe ng Philippine National Police si Dela Rosa mula 2016 hanggang 2018. Muli siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 at binigyan ng protective custody matapos bumoto sa pagpili kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Umalis siya sa gusali makalipas ang tatlong araw at mula noon ay nagtatago na.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may armadong grupong nagpoprotekta sa senador at nagbabala na maaaring umabot sa 10,000 ang mamatay kung aarestuhin ito.
Sinabi ni Nartatez na nais ng PNP na mapayapang maisagawa ang pag-aresto, ngunit handa rin ang mga awtoridad sa posibleng armadong komprontasyon.
“Of course, we would like to have a peaceful resolution of whatever conflict, especially in the implementation of any warrant, whether a search warrant or an arrest warrant,” ani Nartatez.
Nagbabala rin ang hepe ng PNP na maaaring managot sa batas ang sinumang mapatunayang tumutulong sa pagtatago ng senador.
Ayon naman sa DILG, huling namonitor si Dela Rosa sa Mindanao. RNT/MDS