Home METRO UST nagsuspinde ng klase matapos ng bomb threat

UST nagsuspinde ng klase matapos ng bomb threat

1
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng University of Santo Tomas (UST) ang face-to-face classes sa lahat ng antas ngayong Sabado, Oktubre 24, kasunod ng natanggap na bomb threat sa unibersidad.

Sa advisory ng UST, inilipat sa enriched virtual mode ang mga klase at ipinatupad ang work-from-home arrangements bilang pag-iingat.

Noong Biyernes ng hapon, pinayuhang lumikas ang mga estudyante at kawani matapos makakita ng dalawang liham na naglalaman ng umano’y bomb threat sa mga palikuran ng Medicine Building.

Ayon sa Manila Police District (MPD), natagpuan ang mga liham bandang alas-4:30 ng hapon sa ikalawa at ikaapat na palapag ng gusali.

Isang housekeeping staff ang unang nakatanggap ng impormasyon mula sa isang babaeng estudyante ng College of Rehabilitation Sciences tungkol sa liham na nakita sa ibabaw ng tangke ng inidoro sa ikaapat na palapag. Nakasaad dito na may bombang inilagay sa campus at posibleng magkaroon pa ng karagdagang banta sa weekend, kabilang ang Medicine Building at St. Raymund.

Sa pagsuri sa iba pang palikuran, nakakita rin ang staff ng ikalawang liham sa faculty restroom sa ikalawang palapag. Nagbabala rin ito ng posibleng pambobomba sa weekend at nagtapos sa mensaheng, “SAVE YOURSELVES! ADMINS WON’T SAVE US!”

Iniutos ng College of Rehabilitation Sciences secretary ang paglikas sa gusali. Rumesponde naman ang Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ng MPD upang suriin ang lugar.

Iniutos din ng unibersidad ang paglikas sa Main Building, St. Raymund de Peñafort Building, St. Martin de Porres Building at Tan Yan Kee Student Center.

Ayon sa UST, iniinspeksiyon na ng Philippine National Police (PNP) ang campus at iniimbestigahan ang insidente. Nanatiling sarado at mahigpit na binabantayan ang Medicine Building habang hinihintay ang karagdagang pagsusuri.

Hinimok ng unibersidad ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at binigyang-diin na seryoso nilang tinutugunan ang insidente. Wala pang inilalabas na pinal na pagtatasa tungkol sa banta. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here