MANILA, Philippines – Umakyat ng isang puwesto ang Pilipinas sa 63rd sa 2026 Global Startup Ecosystem Index, na nagtapos sa apat na sunod na taong pagbaba ng ranggo.
Ayon sa ulat ng StartupBlink, lumago ng 11.7% ang startup ecosystem ng bansa, mas mataas sa pandaigdigang average na 10.3%. Gayunman, mas mabilis pa rin ang paglago ng mga karatig-bansa tulad ng Vietnam (67.9%), Thailand (62.6%), at Singapore (24.4%).
Ayon kay Dr. Rogelio Alicor Panao ng University of the Philippines Diliman, senyales ito ng unti-unting pagbangon ng Pilipinas, ngunit kailangan pa nitong humabol sa mas mabilis na pag-unlad ng ibang bansa sa rehiyon.
Isa sa pinakamalakas na aspeto ng Pilipinas ay ang lawak ng startup ecosystem nito. Pitong lungsod sa bansa ang nakapasok sa listahan ng 1,000 pinakamahusay na startup cities sa mundo, ang pinakamarami sa Southeast Asia.
Bukod sa Metro Manila, lumago rin ang startup activity sa Naga, Davao, at Cagayan de Oro, habang unang nakapasok sa listahan ang Iligan at San Mateo.
Malakas din ang naging performance ng bansa sa Startup Support, na pangatlo sa Southeast Asia, at sa Ecosystem Attractiveness, na pang-10 sa Asia-Pacific. Nanguna naman ang education technology (edtech) bilang pinakamalakas na sektor ng Pilipinas, na nasa ika-42 puwesto sa buong mundo.
Sa kabila nito, tinatayang nasa $11 bilyon lamang ang halaga ng startup ecosystem ng Pilipinas, mas mababa pa rin kaysa sa Indonesia at Vietnam.
Ayon kay Panao, magandang simula ang pag-angat ng bansa, ngunit kailangan pa ng mas mabilis na paglago sa labas ng Metro Manila, mas maraming dayuhang pamumuhunan, at mas matatag na suporta upang maging mas kompetitibo ang startup ecosystem ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden