LEYTE, Philippines – Isang babaeng fetus ang natagpuang palutang-lutang sa baybayin ng Barangay Cabul-an, Capoocan, Leyte noong Huwebes ng umaga.
Natuklasan ito ng isang residente habang naliligo sa dagat bandang 7:45 a.m. at agad na iniulat sa mga opisyal ng barangay, na siyang kumuha sa mga labi at ipinaalam sa pulisya.
Kinumpirma ng mga awtoridad na ang natagpuan ay fetus ng isang babae. Ayon sa paunang pagsusuri, may mga sugat ito na pinaniniwalaang dulot ng mga isda o iba pang lamang-dagat habang nasa tubig.
Nagsagawa ng imbestigasyon ang SOCO at tinatayang ang fetus ay nasa 0 hanggang 6 na buwang gulang, bagama’t kailangan pa ng karagdagang pagsusuri upang matukoy ang eksaktong edad nito.
Matapos ang forensic examination, inilibing ang fetus sa sementeryo ng barangay sa isang pansamantalang kabaong.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng barangay sa mga kalapit na komunidad upang matukoy ang ina ng fetus at malaman kung paano ito napunta sa dagat. RNT/MDS