MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa mga state universities and colleges (SUCs) na maglaan ng pondo para sa pagsasanay ng kanilang mga guro sa artificial intelligence, sabay giit sa 2026 PASUC Annual Convention na mas nauuna pa ang mga estudyante kaysa sa kanilang propesor sa paggamit ng AI tools.
“Sometimes, students are already ahead of their teachers, especially in generative AI,” pahayag ni Villanueva sa mga presidente at opisyal ng mga SUC sa SMX Convention Center.
Ayon kay Villanueva, chair ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang agwat ay hindi usapin ng kakayahan ng mga guro kundi ng bilis ng pagbabago ng teknolohiya.
“Hindi po dahil kulang sa skill ang ating mga guro, kundi dahil napakabilis talagang umusad ng teknolohiya,” sabi pa niya, sabay giit na ang pagsasanay at patuloy na pagpapahusay ng kakayahan ng academic staff ay nananatiling isa sa mga umiiral na kakulangan sa polisiya pagdating sa artificial intelligence.
“I hope we can work together to find ways to fund A.I. training for our SUC faculty,” sambit pa ni Villanueva.
Ginawa niya ang panawagang ito sa gitna ng malawak na hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon: ang paghahanda sa mga magtatapos para sa isang labor market na hindi pa umiiral.
Binanggit din ni Villanueva ang konsepto ng author na si Simon Sinek tungkol sa “infinite mindset,” kung saan inihalimbawa ang Nokia at Kodak, mga kumpanyang minsang nangibabaw sa kanilang mga industriya ngunit nabigong umangkop: ang Nokia sa smartphone at ang Kodak sa digital photography, sa kabila ng pagiging imbentor nito.
“Are we preparing our students for jobs that do not yet exist, technologies that have not yet been invented, and problems that have not yet emerged?” tanong ni Villanueva.
Ibinahagi rin ng senador ang halos tatlong dekadang gulang na prediksiyon ng management theorist na si Peter Drucker, na sumulat noong 1997 na ang mga kampus ng unibersidad ay magiging “relic” o labi sa loob ng 30 taon. Dahil malapit na ang taong 2027, sinabi ni Villanueva na ang mas angkop na tanong ay hindi kung nakaka-survive pa ang mga unibersidad, kundi kung nakakasabay pa ba ang mga ito sa panahon.
Mula sa mundong “VUCA” — volatile, uncertain, complex, and ambiguous — sinabi ni Villanueva na ito ang paliwanag sa likod ng ₱2-milyong alokasyon para sa “Futures Thinking Research Program” para sa piling SUCs sa ilalim ng 2026 national budget na iniakda niya at ni Senador Pia Cayetano noong nakaraang taon. Ang line item ay sinuportahan ng Kongreso bilang bahagi ng record na ₱1.3-trilyong education budget, na katumbas ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP).
“In such a world, the future will not wait for us,” ani Villanueva. “Our state universities and colleges must anticipate change, shape it, and lead it.” Ernie Reyes