LAGUNA, Philippines – Isang ama na susundo lamang ng anak sa eskuwelahan ang namatay makaraang pagbabarilin sa harap mismo ng Prinza Elementary School.
Ayon sa nakalap na report, nasa 30-anyos na lalaki ang biktima na susundo lamang sana sa kanyang anak nang lapitan at pagbabarilin ng salarin.
Mabilis namang naisugod sa pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot ng buhay, ayon sa doktor na tumingin rito.
Batay sa mga saksi, isang school security guard umano na kasalukuyang naka-leave ng araw ng maganap ng insidente ang itinuturong suspek sa pamamaril.
Napag alaman na matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.
Base sa ginawang imbestigasyon ng pulisya lumalabas na may nauna nang alitan ang biktima at ang suspek ilang linggo na ang nakaraan.
Nagkaroon umano ng komprontasyon matapos sitahin ng guwardiya ang biktima kaugnay ng pagpasok nito sa loob ng paaralan.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador kung ang nasabing pagtatalo ang ugat ng pamamaril.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya para sa agarang ikadarakip ng suspek.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa sinumang may impormasyon tungkol sa pinagtataguan ng suspek na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. MARGIE BAUTISTA