MANILA, Philippines – Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magpapatuloy ang mga kasong kinakaharap nina Senador Joel Villanueva at Senador Chiz Escudero sa kabila ng mga alegasyong naapektuhan ang mga ito matapos silang sumama sa mayorya ng Senado.
Si Villanueva ay inakusahan ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer na si Henry Alcantara ng umano’y pagtanggap ng ₱150 milyong kickback mula sa isang ₱600-milyong proyekto sa Bulacan. Mariin itong itinanggi ng senador.
Samantala, si Escudero naman ay inakusahan ng umano’y pagtanggap ng kickback mula sa mga proyekto sa flood control, na kanya ring itinanggi.
Iginiit ni Remulla na walang pinipiling panig ang Ombudsman sa pagsasampa ng mga kaso.
“Walang katotohanan na tina-target namin ang bagong minorya sa Senado. Marami rin sa mga kasalukuyang nakakulong ay dati naming kaalyado,” ani Remulla. RNT/MDS