MANILA, Philippines – Bumuo ang Bureau of Customs (BOC) ng isang Technical Working Group (TWG) o Task Force na tututok sa pagpapalakas ng koordinasyon at paglutas sa mga suliraning nakaaapekto sa mabilis na paggalaw ng mga kargamento sa mga pangunahing pantalan at paliparan sa bansa.
Ayon sa BOC, ang hakbang ay bahagi ng patuloy na reporma ng ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno upang mapabilis ang customs clearance at matiyak ang maayos na daloy ng lehitimong kalakalan.
Bago inilabas ang Customs Special Order, personal na nagsagawa si Nepomuceno ng inspeksyon sa isang air cargo warehouse kung saan sinuri niya ang daloy ng trapiko, proseso ng cargo handling, at kabuuang operasyon ng bodega. Layunin nitong matukoy ang mga suliraning kinakaharap ng mga stakeholder at makapaglatag ng mga praktikal na solusyon upang mapahusay ang paggalaw ng mga kargamento.
Pamumunuan ni Deputy Commissioner Agaton Teodoro O. Uvero ng Assessment and Operations Coordinating Group ang Task Force, habang magsisilbing vice chairperson si Assistant Commissioner Vincent Phillip C. Maronilla ng Post Clearance Audit Group.
Kabilang din sa mga miyembro ang mga District Collector ng Manila International Container Port, Port of Manila, Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at ang Director ng Port Operations Service.
Makikipag-ugnayan din ang BOC sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Finance (DOF), Department of Transportation (DOTr), Department of Agriculture (DA), Philippine Ports Authority (PPA), Manila International Airport Authority (MIAA), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at New NAIA Infrastructure Corp.
Kasama rin sa konsultasyon ang pribadong sektor, kabilang ang mga customs broker, logistics provider, trucking group, port user, warehouse at container yard operator, at mga PEZA locator upang matugunan ang mga suliranin sa operasyon sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos.
Direktang mag-uulat ang Task Force sa Office of the Commissioner at makikipag-ugnayan sa DOF sa pamamagitan ng Office of the Undersecretary for the Revenue Operations Group para sa agarang pagpapatupad ng mga rekomendasyon.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang mapanatiling mabilis ang paggalaw ng mga kargamento habang pinangangalagaan ang integridad ng customs controls.
Ayon pa sa BOC, ang pagbuo ng Task Force ay patunay ng patuloy nitong reporma tungo sa mas maagap na pamamahala at mas epektibong pagtugon sa mga hamon sa operasyon ng mga pangunahing pantalan sa bansa. JAY Reyes