MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang mga pag-atake laban sa pwersa ng Philippine Army at mga installation nito sa Maguindanao provinces sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay ng paghahanda ng rehiyon para sa makasaysayang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Setyembre 14.
Nitong Linggo ng gabi ng Hulyo 19, naglagay ang mga hindi pa natukoy na kalalakihan ng isang improvised explosive device malapit sa Truck Armored Vehicle (TAV) ng 1st Mechanized Infantry Battalion na nakatalaga para sa 34th Infantry Battalion detachment ng Army sa Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Wala namang nasaktan sa insidente ayon kay Lt. Col. Ronald Suscano.
Sa kaparehong pagkakataon, hinarass naman ang Army detachment sa Talitay, Maguindanao del Norte, ng nasa 15 armadong kalalakihan.
Napansin ng mga sundalo na nagbabantay sa detachment ng 12th Mechanized Company, 1st Mechanized Infantry Battalion, ang mga tao na may dalang flashlight at patungo sa Army base.
Pinaputukan ng grupo ang detachment dahilan para gumanti ang pwersa ng pamahalaan.
Tumagal ng 20 minuto ang palitan ng putukan hanggang sa umatras ang mga armadong kalalakihan.
Walang nasaktang sundalo sa insidente.
Kasunod ng serye ng harassment sa military units, sinabi ni Suscano na lahat ng Army personnel ay inilagay sa heightened alert.
Ito na ang ikaapat na pag-atake laban sa pwersa ng pamahalaan mula nang ipatupad ang election gun ban sa BARMM noong Hulyo 16. RNT/JGC