Home NATIONWIDE Diesel, kerosene madaragdagan ng higit P10/L sa big-time price hike

Diesel, kerosene madaragdagan ng higit P10/L sa big-time price hike

13
0

MANILA, Philippines – Muli na namang haharap ang mga motorista at commuters sa panibagong dagdag-gastos makaraang ipatupad ang malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo simula Martes, Hulyo 21.

Ayon sa Department of Energy (DOE), pinapayagan ang oil companies na magpatupad ng hanggang P3.65 kada litro na dagdag sa gasolina, P10.68 kada litro sa diesel, at P11.77 kada litro sa kerosene. Ang aktuwal na presyo ay nakadepende pa rin sa ipatutupad ng bawat kumpanya ng langis.

Iniuugnay ang panibagong oil price hike sa muling paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran sa Gitnang Silangan, na nagtulak sa pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Noong nakaraang linggo, nagpatupad na rin ng dagdag-presyo ang mga kumpanya ng langis na P1.00 kada litro sa gasolina, P4.60 hanggang P4.62 kada litro sa diesel, at P4.20 kada litro sa kerosene.

Dahil sa sunod-sunod na oil price hike, umabot na sa kabuuang P46.27 kada litro ang netong pagtaas sa presyo ng gasolina, P39.75 kada litro sa diesel, at P36.62 kada litro sa kerosene ngayong taon, batay sa tala ng DOE hanggang Hulyo 14, 2026.

Inaasahang muling mararamdaman ang epekto ng panibagong taas-presyo hindi lamang sa mga motorista kundi maging sa pamasahe at presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagtaas ng gastos sa transportasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here