Home NATIONWIDE Lacson umaray sa banat ni Cayetano sa nadobleng yaman

Lacson umaray sa banat ni Cayetano sa nadobleng yaman

13
0

MANILA, Philippines – Mistulang umaray si Senator-judge Panfilo Lacson sa paratang ni Senate Minority Leader, Senator-judge Alan Peter Cayetano na nadoble ang yaman nito pagkatapos ng 2022 presidential elections.

Sa balekwas ni Lacson, sinabi nito na gumagamit ng squid tactics si Cayetano upang magtago sa ilang isyung kinahaharap niya, ngunit hindi iyon makapagliligtas sa kanya sa “logical conclusion” na naghihintay sa kanya, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.

Ani Lacson, patuloy siyang nangangalap ng ebidensya laban kay Cayetano sa tulong ng mga impormante at ilang testigo, na maaaring iharap sa Senate Blue Ribbon Committee, ilahad sa isang privilege speech, o isumite sa Office of the Ombudsman para sa pagsasampa ng kaukulang mga kaso.

“Ganyan siya. Pag napunta sa kanya ang usapin, kung di siya mag-drag down na may kasama siya na alam niyang malapit sa admin, iniikot-ikot niya ang isyu para guluhin niya. Squid tactics nga tawag diyan. Maglabas ka ng tinta para magulo ang usapan at baka sakaling matakpan. Yan ang kanyang technique at ito ang pattern na ginagawa niya hanggang ngayon,” aniya sa panayam sa True FM.

Dagdag niya, makikita rin ang ganitong padron sa iba pang mga kontrobersyang kinasangkutan ni Cayetano, kabilang ang mga umano’y iregularidad sa paghahanda para sa 2019 Southeast Asian Games na kanyang pinamunuan.

Mahigpit na pinabulaanan ni Cayetano na may anomalya sa 2019 SEA Games dahil marami nang ahensiya ang nagsagawa ng imbestigasyon sa lahat ng paratang sa kanya sa nakaraang administrasyong Duterte.

Naunang ibinulgar ni Cayetano sa kanyang Facebook live na nadoble ang yaman ni Lacson pagkatapos ng 2022 presidential elections na hindi pinabulaanan nito (Lacson) bagkus inamendahan pa dahil quadruple ang pagtaas ng kanyang kita.

Ayon kay Lacson, kabilang sa pinakahuling squid tactics ni Cayetano ang pag-uugnay sa mga paratang ng katiwalian laban sa kanya sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio, matapos sabihin ni Lacson na iniimbestigahan niya ang umano’y P6.79 bilyong budget insertions ni Cayetano sa 2025 national budget, gayundin ang umano’y 25-porsiyentong kickback sa mga slope protection at iba pang infrastructure projects.

Sinabi rin ni Lacson na sa P6.79 bilyong budget insertions ni Cayetano sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), 68 sa 70 proyekto ang naipatupad, habang dalawang proyekto na nagkakahalaga ng P75 milyon ang nananatiling hindi nailalabas o hindi pa naoobliga.

“Again, squid tactics. Walang kinalaman ang impeachment ito usapin ng corruption ito. Nilihis ang usapan dinadala sa impeachment. Ako mismo di ko pa alam boto ko,” sabi ni Lacson kaugnay ng mga pahayag ni Cayetano.

“He asked for it, I’ll give it to him,” dagdag niya nang tanungin tungkol sa kanyang pagtutok sa mga umano’y maanomalyang flood control projects sa Taguig City.

Pinasinungalingan din ni Lacson ang pahayag ni Cayetano na siya at si Sen. Erwin Tulfo ay kumikilos umano sa utos ng Malacañang, at inilarawan ito bilang isa na namang pagtatangkang ilihis ang atensyon mula sa tunay na isyu.

“Pinagtuturo niya, nag-iintriga siya para pagaway-awayin kami. Ayoko siyang patulan kasi lumalawak ang usapin napapalayo tayo sa tunay na issue,” aniya.

“Ang flood control projects, tutuluyan usap kami ni Sen. Erwin Tulfo. Siya ang chairman ngayon at ibibigay ko sa kanya documents at sinumang resource persons na pwedeng imbitahin,” dagdag niya.

Naalala rin ni Lacson na gumamit si Cayetano ng katulad na mga pag-atake nang kuwestiyunin niya ang paglilipat ng hindi bababa sa P1 bilyong pondo ng pamahalaan sa isang pribadong foundation na pinamumunuan ni Cayetano para sa pagho-host ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games – na maaaring maikumpara sa 2013 Napoles pork barrel scam case.

Aniya, agad na nag-react si Cayetano matapos ipahayag ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa usapin kahit wala pa itong binabanggit na pangalan.

“Nang nilabas ni Director Matibag, hindi niya nabanggit pangalan niya, tapos nag-react. Ano yan?” aniya.

Logical Conclusion

Sinabi ni Lacson na ang pag-atake ni Cayetano sa kanyang integridad ang lalo pang nagtulak sa kanya na pagsikapang dalhin ang kaso sa “logical conclusion.”

Aniya, kabilang sa kanilang mga paunang natuklasan ang mga proyektong kinasasangkutan ng mga kumpanyang pag-aari ng mga Discaya noong 2019, nang House Speaker pa si Cayetano. Sa ilan sa mga depektibong proyekto, may magkakapatong na spans na maaaring nagbigay-daan sa kickbacks. Mayroon ding mga tangkang “ayusin” ang ilan sa mga ghost projects.

“Yan kakalkalin namin para maipakitang may ghost project din sa Taguig,” aniya.

Sinabi rin ni Lacson na nagboluntaryo ang kapatid ni Cayetano na si Lino na maging isa sa mga testigo matapos siyang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang intermediary.

“Sa logical conclusion dapat. Hindi ko alam saan hahantong kung ano maabot ng evidence kasi hindi tayo para mag (imbento) ng evidence. Pero dahil sa ginawa niyang pag-attack sa integrity ko, I will exert extra effort to find those pieces of evidence, documentary man or testimonial,” ani Lacson.

“Hindi ko matanggap ang pinagingat-ingatan mo sa career mo for more than 50 years tapos sisirain ng isang tao,” dagdag niya.

Kaugnay nito, wala pang sagot ang kampo ni Cayetano sa paratang ni Lacson. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here