Bulacan – Arestado ang isang indibiduwal nang mahulihan ng baril sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod Baliwag niyong gabi ng Hunyo 19.
Sa ulat ni PLTCOL Eisbon LLAMASARES, hepe ng Baliwag police station, ang naarestong suspek ay si alyas “Punga”, 25, residente ng Brgy. San Jose.
Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng istasyon bandang 9:00 ng gabi sa Brgy. Sto. Cristo.
Nabatid na dinakip ang suspek nang maaktuhang nagbenta ng isang Smith Wesson caliber .38 revolver na may dalawang bala sa isang undercover police operative kapalit ang P1,000 marked money.
Sinasabing bago ang operasyon ay nakatanggap ang istasyon ng impormasyon mula sa confidential informant hinggil sa pagbebenta ng baril ng suspek.
Dinala ang suspek kasama ang mga ebidensya sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591. Dick Mirasol III