BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Tuluyan ng kinasuhan ng cyber libel ang dalawang abogado ng anti-mining group sa Nueva Vizcaya dahil sa kanilang pagtutuligsa sa mga mining operation sa nasabing probinsya.
Ang dalawang kinasuhan ay sina Atty. Fidel G. Santos at Atty. Edgardo C. Balgos.
Batay sa subpoena ng Office of the Provincial Prosecutor ng Isabela, ang reklamo laban kay Atty. Balgos ay inihain ng North Luzon Mineral Resources Corporation sa ilalim ng Republic Act No. 10175 kaugnay ng Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code.
Kung saan ay inatasan silang magsumite ng counter-affidavit at iba pang ebidensya sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng kautusan.
Kasunod nito, nagpahayag ng suporta ang Integrated Bar of the Philippines Nueva Vizcaya Chapter sa dalawang abogado at iginiit na dapat malayang magampanan ng mga miyembro ng legal na propesyon ang kanilang tungkulin nang walang pananakot o panggigipit.
Nilinaw naman ng IBP na hindi ito kumikiling sa merito ng kaso at nananawagang igalang ang due process habang dinidinig ang reklamo laban sa kanilang kasamahan bilang abogado. REY VELASCO