MANILA, Philippines — Ayon kay Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Regie Tongol noong Lunes ng gabi, Hulyo 20, ang presiding officer na si Francis “Chiz” Escudero ay halos inihanda na ang kanyang desisyon sa subpoena requests ng prosecution bago pa man pormal na magsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6, ngunit ipinagpaliban niya ang paglabas nito upang bigyang-daan ang oral arguments at konsultasyon sa mga senador-hukom.
Ipinaliwanag ni Tongol na ang kahilingan ng prosecution para sa subpoena ay kasama na sa pre-trial brief nito, kaya inihanda ni Escudero ang isang resolusyon “as a matter of course.”
Gayunpaman, sinabi niyang pinigil ang desisyon matapos ipaalam ni House prosecutor Rep. Chel Diokno sa korte na naghain ang prosecution ng panibagong kahilingan para sa subpoena. Humingi rin ng kopya ng bagong kahilingan ang depensa, habang ilang senador-hukom ang nagmungkahi na munang pakinggan ang oral arguments.
“The main chunk of the decision of the presiding officer had already been prepared even before July 6,” pahayag ni Tongol sa isang press briefing. “The presiding officer also consulted his fellow senator-judges during the caucus and considered their views. Some of them requested more time to study the matter over the weekend and until today.”
Nilinaaw din ni Tongol ang pagpapatupad ng mga subpoena na inilabas ng impeachment court, na nagsasabing ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga bangko ay kinakailangang sumunod sa mga utos ng korte.
Para naman sa Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi ni Tongol na dapat din itong sumunod ngunit ang komisyoner nito ay kailangan munang kumuha ng pahintulot mula sa Pangulo sa ilalim ng Section 71 ng National Internal Revenue Code (NIRC) bago ilabas ang mga confidential tax records.
Binanggit niya ang impeachment trial ng dating Chief Justice Renato Corona, kung saan humingi ng pahintulot sa Pangulo ang dating BIR Commissioner na si Kim Henares bago sumunod sa isang subpoena.
“The subpoena was issued to Commissioner Henares, and she asked permission from the President so she could comply without violating the law or exposing herself to criminal liability,” ani Tongol.
Dagdag pa niya, nilinaw sa desisyon ni Escudero na kung walang pahintulot ng Pangulo, hindi maaaring tanggapin ng impeachment court ang mga rekord ng BIR bilang ebidensya.
Sinabi ni Tongol na ang subpoena para sa BIR commissioner ay inilabas noong Martes at inaasahang maihahatid sa Miyerkules, na may deadline ng pagsunod sa Hulyo 30.
Aniya, dapat humingi ang BIR commissioner ng pahintulot ng Pangulo bago ang nasabing deadline.
“He now has this subpoena to show the President, so that the President may grant permission in recognition of a co-equal branch of government,” pahayag ni Tongol.
“He should already secure the permission before July 30 because that is the deadline for compliance,” dagdag ng tagapagsalita. RNT/MDS