Home NATIONWIDE Comelec: Walang naitalang karahasang konektado sa Bangsamoro poll

Comelec: Walang naitalang karahasang konektado sa Bangsamoro poll

5
0

MANILA, Philippines – Wala pang naitatalang karahasang may kaugnayan sa halalan mula nang magsimula ang election period sa Bangsamoro noong Hulyo 16, ayon sa Commission on Elections.

Tatagal hanggang Setyembre 29 ang election period, kung kailan ipinatutupad ang gun ban at naglalagay ng mga checkpoint sa buong rehiyon.

“Sa ating 167 na checkpoints, wala po kahit isa ang naaresto o nasawata o nakitaan na may dala silang armas o kaya naman deadly weapon na pinagbabawal,” sinabi ni Comelec Chairman George Garcia sa mga mamamahayag nitong Martes.

Ayon kay Garcia, hindi itinuturing na election-related ang mga insidente ng karahasan na naitala noong nakaraang weekend.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na personal na dahilan ang motibo sa pagpatay sa isang konsehal sa North Cotabato. Posible namang “revenge” ang dahilan sa mga pagsabog ng granada sa Maguindanao del Sur matapos mapatay ang isang commander ng rebelde.

Sa ngayon, mga ulat lamang ng alitan sa loob ng isang partido ang natatanggap ng Comelec.

“Hangga’t hindi naman ito nag-spill over sa ibang partido o kung kaya naman ay nagkakaroon ng kaguluhan na makakaapekto sa peace and order situation, so far, so good ang ating monitoring,” ani Garcia.

Makikipag-ugnayan din ang Comelec sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang maiwasan ang karahasan, kabilang ang pagsasagawa ng joint patrols sa mga lugar na nasa “red category” o itinuturing na areas of grave concern.

May 27 lugar na nasa red category, kabilang ang 21 sa Lanao del Sur. Nilinaw ni Garcia na hindi nangangahulugang may kasalukuyang karahasan sa mga lugar na ito dahil nakabatay ang klasipikasyon sa mga insidenteng naitala noong mga nakaraang halalan.

Mayroon ding 27 lugar sa orange category o areas of immediate concern na may seryosong banta mula sa mga armadong grupo.

Samantala, 39 lugar ang nasa yellow category dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa halalan sa nakaraang dalawang botohan, posibleng paggamit ng private armed groups at iba pang banta sa seguridad.

Labinlimang lugar naman ang nasa green category at itinuturing na pangkalahatang mapayapa.

Kaugnay nito, natapos na ng Comelec ang pag-imprenta ng 2.3 milyong balota para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kasalukuyang sinusuri ng poll body kung mababasa at tatanggapin ng mga voting machine ang mga balota bago ipamahagi ang mga ito sa BARMM.

Magsisimula ang campaign period sa Hulyo 30. Sinabi ni Garcia na ipagbabawal ang pamamahagi ng social services sa panahon ng kampanya, ngunit maaaring humingi ng exemption ang mga kandidato sa Comelec hangga’t hindi ito gagamitin para sa kanilang sariling promosyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here