Home LIFESTYLE HEALTH Unang kaso ng Shamonda virus, naitala sa France

Unang kaso ng Shamonda virus, naitala sa France

1
0

FRANCE – Unang natuklasan sa isang tao ang Shamonda virus, na karaniwang nakaaapekto sa mga hayop gaya ng baka. Ayon sa French health at agriculture ministries nitong Huwebes, namatay ang pasyenteng may malubhang mahinang immune system noong unang bahagi ng Oktubre.

Wala umanong natukoy na panganib sa kalusugan ng publiko sa ngayon. Ayon sa mga awtoridad, pambihirang kaso ito na kinasasangkutan ng isang pasyenteng may malubhang karamdaman at naospital.

Sa kabila ng ilang dekada nang pagkalat ng virus sa Africa at Asia, ngayon lamang ito natukoy sa tao. Pinaniniwalaang nakuha ng pasyente ang virus mula sa kagat ng isang maliit na insektong sumisipsip ng dugo sa silangang bahagi ng France, kung saan kumakalat ito sa mga hayop noong tagsibol at tag-init.

Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon, malamang na may kaugnayan sa virus ang mga komplikasyong neurological na naranasan ng pasyente bago namatay. Gayunman, patuloy pa ang mga pagsusuring klinikal, laboratoryo at epidemiological.

Ang Shamonda virus ay kabilang sa grupong Orthobunyavirus at karaniwang naipapasa sa mga hayop sa pamamagitan ng maliliit na insektong nangangagat. Una itong natukoy sa Nigeria noong kalagitnaan ng dekada 1960 at naiulat na rin sa mga baka sa ilang bahagi ng Africa at Japan.

Unang natukoy sa Europe ang virus noong huling bahagi ng Hulyo, kabilang sa mga bukirin ng baka sa France. Sa kasalukuyan, naitala na ito sa 14 na bansa sa kanlurang Europe, ayon sa epidemiological bulletin ng pambansang institusyon ng France na sumusubaybay sa kalusugan ng mga hayop.

Pangunahing host ng virus ang mga baka, bagama’t may mga naitala ring kaso sa iba pang maliliit na alagang hayop at kabayo sa France ngayong tag-init. Sa mga baka, kabilang sa mga sintomas ang matinding pagtatae, lagnat, panghihina at pagbaba ng produksiyon ng gatas.

Ipinaalam na ang kaso sa World Health Organization at European Centre for Disease Prevention and Control habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Tom Solomon, pinuno ng The Pandemic Institute sa Britain at bahagi ng pangkat ng University of Liverpool na sumusuri sa mga impeksiyong naipapasa mula sa hayop sa tao, marami pang hindi alam tungkol sa virus—kabilang kung maaari itong makahawa sa malulusog na tao nang walang sintomas, ano ang karaniwang epekto nito, at gaano kadalas itong magdulot ng malubhang sakit.

“The important message is that there is no reason for public alarm, but this case reinforces the importance of surveillance for emerging infections, particularly those that can affect the brain,” ani Solomon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here