CITY OF MALOLOS, BULACAN, Philippines – Tumanggap ng parangal ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad para sa North Manila Bay Nature-based Solutions (NbS) Pilot Project, ang unang nature-based flood mitigation initiative sa Pilipinas.
Iginawad ang parangal sa 2026 Galing Pook Awards na ginanap sa Malacañang Palace noong Miyerkules, Oktubre 21.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dumaan sa pambansang paghahanap at pagsusuri ang mga nagwaging programa batay sa positibong resulta at epekto, pakikilahok ng mamamayan, inobasyon, katatagan, pagpapanatili, episyenteng serbisyo at posibilidad na magamit din sa ibang lugar.
Sinabi ni Natividad na makasaysayang tagumpay ito para sa Malolos, na napabilang sa Top 10 Local Government Projects mula sa 19 na kalahok sa buong bansa.
Layunin ng proyekto na mabawasan ang pagbaha sa baybaying Barangay Pamarawan, kung saan malalakas na alon tuwing bagyo at habagat ang nagbabanta sa komunidad.
Gumamit ang proyekto ng mga breakwater na gawa sa talaba at niyog upang pahinain ang mga alon bago makarating sa mga residente. Nagbibigay rin ito ng trabaho at kabuhayan sa komunidad sa pamamagitan ng pagpaparami ng yamang-dagat.
“Ang parangal na ito ay alay ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos para sa bawat isang Maloleño. Ito ang pangarap na unti-unti nang natutupad,” ani Natividad.
Binigyang-diin ng alkalde na sa pamamagitan ng tiwala, malasakit at pagkakaisa, patuloy na magsisikap ang lungsod para sa mas malalaking tagumpay.
Kabilang sa iba pang nagwagi sa 2026 Galing Pook Awards ang Project Denguerra – War on Dengue ng Baguio City; Bataan E-Mobility ng Bataan Province; Iloilo City Action and Resilience (ICare) Center; One Name, One Identity: Nothing Will Be Left ng Pagayawan, Lanao del Sur; SHARE ng Quezon City; Building Spaces in a Spaceless City ng Valenzuela City; Del Carmen Farm-to-Spoon ng Del Carmen, Surigao del Norte; KAAGAPAY ng Davao del Norte Province; at Zero Illiteracy and Innumeracy Program for Mangyan ng Oriental Mindoro Province. RNT/MDS