Home NATIONWIDE Naitalang testimonya ng 3 saksi, hiniling ng ICC na gamitin sa kaso...

Naitalang testimonya ng 3 saksi, hiniling ng ICC na gamitin sa kaso ni Digong

1
0

THE HAGUE, Netherlands – Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na gamitin sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga naunang naitalang testimonya ng tatlong mahahalagang saksi upang mapabilis ang pagdinig sa kasong crimes against humanity.

Sa pampublikong dokumentong may ilang impormasyong inalis at may petsang Oktubre 21, 2026, naghain ang Office of the Prosecutor ng ikatlong kahilingan sa ilalim ng Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence. Saklaw nito ang mga saksi na kinilala bilang P-0008, P-1164 at P-1303.

Sa ilalim ng naturang tuntunin, maaaring tanggapin ng ICC Trial Chamber bilang ebidensya ang mga naunang naitalang pahayag ng mga saksi, basta’t personal silang haharap sa korte, kukumpirmahin ang katumpakan ng kanilang mga pahayag at magiging handang sumagot sa mga tanong ng depensa, mga kinatawan ng mga biktima at mga hukom.

Ayon kay Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang, makatutulong ang kahilingan upang paikliin ang direktang pagtatanong sa mga saksi at maglaan ng mas maraming oras para sa mahahalagang karagdagang tanong.

“Granting the request will enhance the expeditiousness of the proceedings by reducing the length of the witnesses’ direct examination… thus saving at least [REDACTED] hours of court time,” ayon sa dokumento.

Sinabi ng prosekusyon na mahalaga ang testimonya ng tatlong saksi sa mga kasong pagpatay na saklaw ng Count 3. Anila, nagbibigay ang mga ito ng ebidensya hinggil sa umano’y sistematikong patakaran na “neutralize” o patahimikin sa pamamagitan ng mararahas na krimen, kabilang ang pagpatay, ang mga hinihinalang kriminal sa Pilipinas.

Inilahad ni saksi P-0008 ang umano’y mga extrajudicial killing na isinagawa ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), kabilang ang mga operasyon na tinatawag na “One Time Big Time” o “OTBT.” Kalakip ng testimonya nito ang apat na araw na panayam, mga transcript, tatlong sulat-kamay na listahan ng mga URL link at mga isinaling dokumentong may kaugnayan sa mga hinihinalang pagpatay.

Si saksi P-1164 naman ay nagbigay ng detalye tungkol sa mga pagpatay na kinasasangkutan umano ng mga pulis at kumuwestiyon sa mga opisyal na salaysay ng law enforcement. Kabilang dito ang isang insidente kung saan iniulat sa pahayagan na binaril umano ng mga pulis ang isang tao sa palitan ng putok.

Samantala, naglahad si P-1303 ng ebidensya tungkol sa mga tauhan ng PNP na nakatalaga sa isang partikular na lugar at sa isang biktimang binaril at napatay umano ng mga pulis. Tinalakay rin sa testimonya ang mga alegasyon tungkol sa paggamit ng droga, mga hindi pagtutugma sa dokumentasyon at mga pangyayaring nauna sa pagpatay.

Iginiit ng prosekusyon na hindi malalabag ang karapatan ni Duterte sa pamamagitan ng paggamit sa mga naitalang testimonya dahil magkakaroon pa rin ng pagkakataon ang kanyang mga abogado na tanungin ang bawat saksi sa bukas na korte.

Pormal na ipinaalam sa depensa noong Agosto 31, 2026 ang planong gamitin ang Rule 68(3) para sa tatlong saksi.

Ayon pa sa prosekusyon, maaasahan at mahalaga bilang ebidensya ang mga pahayag dahil naitala ang mga ito alinsunod sa Article 55 ng Rome Statute at Rule 112 ng mga tuntunin ng korte. Sinabi rin nitong kusang-loob na isinagawa ang mga panayam at kinumpirma ng mga saksi na malaya nilang sinagot ang mga tanong.

Dagdag ng prosekusyon, magkakatugma ang mga naitalang testimonya at makatutulong ang mga ito upang suportahan ang mga salaysay ng iba pang saksi na personal na haharap sa korte.

Nakasalalay pa rin sa pag-apruba ng ICC Trial Chamber ang kahilingan. Kapag humarap na ang mga saksi sa The Hague, tatanungin sila kung pumapayag silang maisama sa opisyal na rekord ng paglilitis ang kanilang mga naunang naitalang testimonya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here