Home HOME BANNER STORY Marcos, kinondena ‘pananakit’ ng China Coast Guard sa sundalong Pinoys

Marcos, kinondena ‘pananakit’ ng China Coast Guard sa sundalong Pinoys

4
0

MANILA, Philippines – Kinondena ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang umano’y pananakit ng mga tauhan ng China Coast Guard sa mga sundalong Pilipinong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, West Philippine Sea, ayon sa Malacañang nitong Martes, Hulyo 21, 2026.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na sinusuportahan ng administrasyong Marcos ang mga pahayag ng Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines na kumokondena sa insidente.

“Alam po natin kung ano na ang naging statement ng Secretary ng DND, pati ang pamunuan ng AFP at ito ay kanilang kinukundina. Sinabi po na hindi tayo pasisil. At pati ang DFA ay nagbigay na rin po ng pahayag. Kinukondena po niya, kinukondena po ng Pangulo ang mga ganitong klaseng pangyayari,” ani Castro.

Ayon sa DFA, nakikipag-ugnayan ito sa AFP upang makuha ang mga detalye ng insidente. Binalaan din nito na ang anumang karahasan laban sa mga tauhang Pilipino ay maaaring tumbasan ng nararapat na diplomatikong hakbang.

“The DFA is in coordination with the AFP regarding the details of the incident. Any act of violence against Filipino personnel is unacceptable and will merit the appropriate diplomatic action. The DFA is committed to upholding the safety and well-being of Filipino personnel in BRP Sierra Madre who are lawfully performing their duties,” pagbasa ni Castro sa pahayag ng DFA.

Tiniyak ni Castro na patuloy na ipaglalaban ng pamahalaan ang mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea sa kabila ng mga pagkilos ng China.

“Kung ano ang kanilang naratibo, ganyan po ang kanilang maaaring sabihin. Hindi po natin ito saklaw. Pero ang pinaninindigan po natin kung ano ang karapatan natin at kung ano ang dapat lamang gawin ng ating mga opisyal at mga Filipino personnel. So sinusuportahan po natin ang mga ginagawa ng ating mga Filipino officials,” sinabi niya.

Nang tanungin kung isinasaalang-alang ni Marcos ang mas mabigat na hakbang laban sa China, sinabi ni Castro na hindi dapat idaan sa karahasan ang mga sigalot sa teritoryo.

“Hindi po nadadaan sa dahas ang anumang pakikipaglaban sa karapatan. Hindi pinag-uusapan dito ang laki ng iyong teritoryo, ang lakas ng iyong pwersa. Kung pakikipaglaban sa katotohanan at kung ano ang iyong karapatan,” ani Castro.

Itinanggi rin ng National Task Force for the West Philippine Sea ang tinawag nitong “false and misleading narratives” kaugnay ng insidente.

“The facts remain clear that the China Coast Guard vessel (CCGV) 21560 deployed a rigid-hull inflatable boat (RHIB) that deliberately approached BRP Sierra Madre (LS57), a commissioned Philippine Navy vessel lawfully stationed at Ayungin Shoal,” pahayag ng NTF-WPS.

“The Chinese RHIB had no legitimate reason to approach the vessel at close range or conduct intrusive activities against Philippine personnel carrying out lawful duties,” dagdag nito.

Iginiit ng task force na kumilos ang Philippine Navy nang may propesyonalismo, disiplina at pagpipigil, alinsunod sa Rules of Engagement.

“When confronted with physical violence, our personnel defended themselves while exercising maximum restraint. Any attempt to portray this as Philippine aggression is a deliberate distortion of the facts.”

Ayon sa mga awtoridad ng Pilipinas, hinampas ng mga tauhan ng China Coast Guard ang isang marinong Pilipino noong Lunes, Hulyo 20, habang papalapit sila sa BRP Sierra Madre, isang barkong pandigma noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na sadyang isinadsad sa Ayungin Shoal.

Nangyari ang insidente ilang araw matapos maghain ang Maynila ng diplomatikong protesta laban sa umano’y “racist” na video ng Chinese state media, kung saan inilalarawan ang Pilipinas bilang isang AI-generated cartoon monkey na minamanipula ng mga kamay na tila mula sa ibang bansa.

Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, kabilang ang mga bahaging inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia at Brunei. Tinatawag ng pamahalaan na West Philippine Sea ang mga karagatang saklaw ng hurisdiksiyon ng Pilipinas.

Noong 2016, nagpasya ang isang international arbitral tribunal sa The Hague na “no legal basis” ang malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea. Patuloy na tinatanggihan ng Beijing ang desisyon.

“No amount of coercion, disinformation, or propaganda can change the fact that the 2016 Arbitral Award remains final and binding under international law,” pahayag ng NTF-WPS.

“The NTF-WPS calls on the People’s Republic of China to cease its dangerous actions at sea, abandon deceptive information operations, and conduct itself in a manner consistent with international law and responsible maritime behavior,” dagdag nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here