MANILA, Philippines – Hindi kailangang iharap sa korte ang aktuwal na ransom money upang mahatulan ang mga akusado sa kidnapping for ransom, ayon sa Supreme Court.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ricardo Rosario, pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol laban kina Jose Olbato, Police Officer III Clayton Patingan at isa pa nilang kasamahan sa pagkidnap kay Genevieve Ong Sy.
Batay sa court records, dinukot si Sy habang nagmamaneho at ikinulong sa isang bahay. Humingi muna ang mga kidnaper ng PHP50 milyon mula sa kanyang ama kapalit ng kanyang kalayaan, ngunit ibinaba sa PHP500,000 ang halaga matapos ang negosasyon.
Ibinigay ng driver ni Sy ang marked ransom money habang minomonitor ng mga pulis. Kalaunan, nailigtas ng mga awtoridad si Sy, nabawi ang pera at naaresto ang mga akusado.
Hinatulan ng Regional Trial Court ang tatlo dahil sa sabwatan sa pagkidnap kay Sy para sa ransom. Pinagtibay naman ng Court of Appeals ang desisyon.
Sa kanilang apela, iginiit ng mga akusado na hindi napatunayan ang kanilang pagkakasala beyond reasonable doubt dahil hindi naiharap ng prosecution sa korte ang aktuwal na ransom money. Naiulat na nawala ang pera habang nasa kustodiya ng pulisya.
Gayunman, sa desisyong inilabas noong Enero, sinabi ng Supreme Court na hindi kailangang iharap ang mismong pera kung may ibang ebidensiyang nagpapatunay na humingi, nakipagnegosasyon at tumanggap ng ransom ang mga kidnaper.
Binanggit ng Korte ang testimonya ng ama ni Sy na paulit-ulit siyang tinawagan ng mga kidnaper upang humingi ng pera. Napatunayan din na naibigay at natanggap ang ransom sa isinagawang operasyon ng pulisya.
Hinatulan ng Supreme Court sina Olbato at ang kanyang mga kasamahan ng hanggang 40 taong pagkakakulong at inutusang magbayad ng PHP300,000 bilang danyos sa biktima. Jocelyn Domenden-Tabangcura