MANILA, Philippines – Hiniling ng Department of Migrant Workers sa Office of the Ombudsman na ibalik ang mga reklamong graft at malversation laban kay dating Overseas Workers Welfare Administration chief Arnell Ignacio kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng PHP1.4-bilyong property noong 2025.
Nagbigay ang DMW nitong Martes ng kopya ng motion for reconsideration na inihain ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac noong Hulyo 17.
Hiniling sa mosyon na muling suriin ang resolusyon ng Ombudsman noong Hunyo 19, 2026, na nagbasura sa mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation. Usurpation of official functions lamang ang isinampang kaso laban kay Ignacio.
Iginiit ng DMW na hindi nabigyan ng wastong pagpapahalaga ng Ombudsman ang mga ebidensiya nang sabihin nitong hindi napatunayan ang manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence, at undue injury sa pamahalaan na kailangan sa ilalim ng Section 3(e) ng anti-graft law.
Ayon sa ahensiya, sapat ang kabuuan ng mga ebidensiya upang magtatag ng probable cause.
Sinabi ni Cacdac na dalawang tseke na nagkakahalaga ng kabuuang PHP1.4 bilyon ang ibinigay sa nagbenta 12 araw bago mapirmahan ang deed of sale.
“We pointed out that the seller was paid—the checks for the seller amounting to PHP1.4 billion, two checks, were issued 12 days prior to the sale,” aniya.
“Wala pang deed of sale. Nag-issue na ng cheque, worth PHP1.4 billion. Di biro itong halaga ng pera na ito (There is no deed of sale yet. A cheque worth PHP1.4 billion has already been issued. This amount of money is no joke),” dagdag niya.
Nakasaad din sa mosyon na hindi dumaan ang transaksiyon sa OWWA Board of Trustees, na may kapangyarihang mag-apruba ng pagbili ng real property.
Kinuwestiyon din ni Cacdac ang presyo ng property. Ayon sa kanya, tinaya ng Land Bank sa halos PHP1.2 bilyon ang lupa at 51 condominium units, ngunit binili ito ng OWWA sa halagang PHP1.4 bilyon.
“So we want the Ombudsman to review this,” sinabi niya.
Kinuwestiyon din ng DMW ang kalagayan ng 51 condominium units na kasama sa bentahan. Nang inspeksiyunin umano ni OWWA administrator PY Caunan ang property matapos niyang palitan si Ignacio, wala na ang mga unit at lubos nang nagiba ang gusali.
“But now, hindi lang now, last year, nung pumasok si (not only now, but last year, when) Admin PY Caunan replaced the former administrator, they went to the property, the 51 condominium units were nowhere to be found. The building had been completely demolished,” ani Cacdac.
“So the OWWA is holding titles to 51 condominium units that no longer exist,” diin niya. Dave Baluyot